Saturday, July 18, 2015

Minsan


Nakakainis! Nakakapikon! Hindi ko mabatid kung bakit. Ang alam ko lang lagi na lang siya ang nakakasalubong ko sa pag-akyat at pagbaba sa hagdan ng aming paaralan. Sinusundan niya ba ako? Nananadya ba siya? Hindi ko siya kilala pero tila ba ngumingiti siya sa akin. Habang papalapit ang pagtatapos ng isang buwang oryentasyon naming sa scholarship ay unti-unti ko nang nararamdaman ang buhay sa kolehiyo. Katapat lang naman ng gusali kung saan ako nakataayo ang paaralang huhubog sa akin sa loob ng apat na taon. Hindi ko maiwasang manabik lalo na at hindi ko na makikita pa ang babaeng tila ba dahilan kung bakit bawat araw ay nadadagdagan ng isang taon ang edad ko. Ang saya ay agad napalitan ng inis dahil magiging kamag-aral ko rin pala siya. Pero ang lahat ng ito ay naramdaman ko noon. Ang lahat ng ito ay kabalitaran ng nararamdaman ko ngayon.

Naging malapit ang loob namin, isang bagay na hindi ko inakala na mangyayari sa buhay ko. Ang mga kasumpa sumpang araw para sa akin ay napalitan, matapos ang tatlong semestre, ng hindi maipaliwanag na mga sandali. Ngunit ang ilang buwang pagkakaibigan na pinagtulungang maitayo at mapatatag ay natapos ng tila ba ay isang kisapmata. Marahil lubha kaming napalagay ang loob na ang bawat nararamdaman ay mananatili sa tinatawag na pagkakaibigan. Mali pala. Bakit ba kasi kailangan may mahulog ang loob? Bakit kailangan may masasaktan? Bakit kailangan may lalayo? Bakit kailangan may maiiwan? Minsan mahirap unawain ang mga bagay. Minsan kung sino pa ang naturingang matalino ay siya pang mangmang sa pagpapasya kapag naipit na sa ganitong uri nang sitwasyon. Dapat bang sukuan mo siya? Tama ba na huminto na sa paghihintay sa lugar kung saan kayo dati ay nagtatagpo. Paano kung wala na talaga siyang balak balikan pa yaong dati? Paano kung tuluyan ng binura ng galit ang konsepto ng pagkakaibigan kung saan kayo minsan ay namulat subalit ngayon ay tila ba unti unting pumapatay at dumudurog sa puso mo. Huli na ba talaga ang lahat? Kailan niya kaya muling maibibigay sa’yo ang ngiti na dati ay simbolo ng pag-uyam ngunit paglipas ay siyang bumuo ng araw mo? Kailan kaya siya muling maglalambing o kaya ay magtatampo upang sa maghapon ay suyuin mo? Marahil sa mga oras na ito ay lubos niyang pinagsisisihan na nakilala ka niya. Marahil marami na ang luhang nasasayang at patuloy na dumadaloy sa mapula niyang pisngi. Tama nga sila na nakakasira ang pag-ibig. Minsan ng isip pero madalas ng pagkakaibigan. Dati nagrereklamo ka dahil tila ba wala kang makitang tunay na kaibigan subalit nung tangan mo na ang kamay niya ay hinayaan mo pa siyang bumitaw. Minsan bigla mo na lang sisisihin ang sarili mo dahil ang dati ay hindi na katulad ng nangyayari ngayon. Minsan ikaw mismo ay walang malay na ang iyong mga luha pala ay nais ng kumawala sa iyong mga mata.

Minsan may nagpapaalam. Minsan may naiiwan. Minsan may luluha dahil nasasaktan. Minsan ba ay masama kung ituturing mo siya nang higit sa kaibigan? Minsan nadadala tayo ng takot na baka siya ay tuluyang lumisan kung kaya mas mabuti ang manatili na lang sa isang makabuluhang bagay na tinatawag na pagkakaibigan. Minsan ang bawat hakbang ay may dahilan.

Minsan, ayaw man natin gawin subalit kailangan. Kailangang kalimutan ang MINSAN at MAGPAALAM.

-by Mabisang Replekto

No comments:

Post a Comment