ni Lyndel E. Esperanza
Para sa akin, "Happiness is a collection of choices you made that gives you inspiration and meaningful life."
Hindi ako mahilig manuod ng mga love story, anime o kaya ay korean drama noon ngunit nagbago ang lahat nang malaman ko na may mga tao o karakter ang nagpapakilig, nagpapasaya, nagpapalungkot at nagpapa-inspire sa akin dahil sa makabuluhang istorya ng mga palabas na ito. Dahil sa nakahiligan ko ang manuod ng mga palabas na ito ay may partikular akong paborito sa bawat klase nito na nag-uudyok sa akin upang kumulekta ng mga larawan at impormasyon tungkol sa mga ito.
Naging idolo ko si Erika Chryselle Gonzales Gancayco o mas kilalang Erich Gonzales dahil sa maganda ito at magaling umarte. Labing-apat na taong gulang si Erich nang manalo siya sa Star Circle Quest at napalabas din sa Maalala-ala Mo Kaya o MMK ang kanyang kwentong nakakaiyak at nakapagbibigay inspirasyon kaya mas lalo ko siyang hinangaan.
Si Ernesto Lorenzo V. Dee o mas kilalang Enchong Dee ay ang ultimate crush ko. Siya ang naging basehan ko ng 'looks' at katangian ng ideal man ko. Siya ay chinito, maputi at gwapo; magaling lumangoy, mahusay sumayaw, at marunong ding kumanta.
Kinikilig talaga ako sa kanilang tambalan. Makita ko lang na magkasama na naman sila sa isang proyekto ay aabangan ko talaga iyon. Ang tambalan nila ay umabot lamang ng ilang taon at ngayon ay may iba't iba na silang katambal. Gusto ko pa naman sanang sila na lang ang magkatuluyan sa bandang huli kung hindi man mapapasaakin ang Enchong ko. Ngayon ay may kaniya-kaniya na ri silang lovelife at mukhang masaya naman sila sa mga karelasyon nila kaya magiging masaya na lang rin ako para sa kanila pero kahit anong mangyari "I'm the number 0 fan of EnRich Loveteam!" Ang dami kasing number 1 fans nila kaya number 0 na lang ako para mas mataas sa kanila.
Ang "Cardcaptor Sakura" ay isang Japanese Anime na matagal na ring ipinalabas sa telebisyon noong bata pa ako ngunit ito ay ipinabalik-balik sa kahit anong istasyon. Ang istorya nito ay tungkol sa batang babae na nasa ika-5 baitang ang nagawaran ng kapangyarihan upang maibalik ang mga clow cards sa lagayan nito at ang mga clow cards na ito ang nagtataglay ng mga mahika na ginagamit ni Sakura sa paghuli pa ng ibang cards. Mapalalaki o mapababae man ay nahuhumaling sa palabas na ito dahil sa maganda nitong istorya at cute na mga karakter.
Tulad ng mga larawang meron ako sa EnRich Loveteam ay bigay lang sa akin ng mga kaklase ko noong high school ang mga larawan ni Sakura at Shaoran. Ginuhit pa nga ni Shiela, aking kaklase, si Shaoran para lang sa akin. Nagsimula din akong gumuhit upang mas maparami pa ang aking koleksyon ngunit isa lang ang nakaya ko at si Sakura iyon.
Kahit na ilang beses ko ng napanuod ang palabas na ito ay inulit-ulit ko pa rin kaya ako nanghiram ng cd kay Ney para mapaulit-ulit ko pa ang pagkokolekta ni Sakura sa mga cards at ang takbo ng kanyang buhay pamilya, kaibigan, paaralan at buhay pag-ibig.
Marami rin kasing taglay na positibong ugali si Sakura na mas lalo kong kinahangaan bilang isang bata dati. Ang pagiging masayahin, palakaibigan, maalahanin, pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay at mapagmahal sa pamilya.
Ang kasalukuyan kong kinokolekta ngayon ay ang mga larawan at impormasyon tungkol sa "Dream High". Ang "Dream High" ay isang Korean Drama na ipinalabas sa ABS-CBN noong ika-16 ng Abril, 2012 hanggang ika-15 ng Hunyo, 2012. Ito ay tungkol sa mga kabataan nais abutin ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng pagpasok sa isang prestihiyosong paaralan sa Korea. Ang Kirin Art High School ay isa sa sikat na paaralan kung saan nanggagaling ang mga magagaling kumanta at sumayaw na grupo sa industriya.
Ang pagkanta at pagsayaw ay ang mga talento ko, hindi man ganoon kagaling ay alam kong may maibubuga naman ako. Dahil siguro sa takbo ng istorya kaya ako napa-hook sa palabas na ito at dahil na rin sa magaganda at gwapong gumanap sa bawat karakter dito. Magagaling silang kumanta at sumayaw lahat kaya ako'y napapahanga talaga.
Anim na estudyante ang maituturing na mga bida sa palabas na ito. Lahat sila ay may kaniya-kaniyang pasanin sa buhay at hindi ganoon kaperpekto sa pagkanta o pagsayaw. Kasama rin dito ang mga pagsubok nila sa kanilang pamilya, kaibigan at syempre sa kanilang pangarap. Kahit na ganito ang sitwasyon nila ay nalampasan nila iyon sa tulong ng bawat isa at ng kanilang mga guro na gumabay sa kanila upang maabot ang minimithi nilang pangarap.
Kinolekta ko ang larawan ng bawat isa, maging ang mga lyrics ng kanta at ang buong istorya nito mula episode 1-16. Bumili rin ako ng cd nito na may tagalog dubbed na at nagkabisa ng iba nilang sayaw at kanta. Balang araw ay gusto ko ring makapunta sa Korea para makita ang mga hinahangaan kong cast ng "Dream High", siguro para magperform na din kung sakali. Sa ngayon ay nag-audition ako sa isang Korean Club sa Pamantasan namin at hindi ko pa alam kung tanggap ako ngunit kahit hindi man ay ipagpapatuloy ko pa rin ang pag-iidolo sa kanila.
No comments:
Post a Comment