Friday, July 17, 2015

Entry # 14: Unconditional Love



Unconditional Love

Mayroon akong isang kamag-aral na nagtanong kung kailan at paano nasasabi ng isang tao na nagmamahal na siya at pagmamahal na ang nararamdaman niya. May ilan sa amin na sumagot base sa kanilang personal na pagkakaintindi at karanasan, ngunit batid ko sa mukha ng aking kamag-aral na hindi siya kumbinsido. Napaisip din ako, oo nga ano, kalian at paano nga ba? Kung tutuusin wala talagang eksaktong kasagutan sa katanungan niya. Tulad ng sinabi ng aming guro, ang pagmamahal ay mayroong malawak na saklaw, at ito ang dahilan kung bakit mahirap itong ipaliwanag.Ikaw ba, kalian at paano mo nga ba nasasabi na nagmamahal ka na at pagmamahal na ang iyong nararamdaman? Matatawag na bang pagmamahal kapag nagawang magsakripisyo? Kapag ba nilalaanan mo ng oras ang isang tao, masasabi mo ng mahal mo siya?  Mahirap sagutin hindi ba? Siguro kung may isang nilalang na makakayang magpatawad ng kahit na anong kamalian at tatanggap ng walang panghuhusga, patuloy kang susuportahan at tutulungan kahit na minsan ay ipagtatabuyan at makakalimutan, at magsasakripisyo ng kahit ano, kahit pa sariling buhay para maibigay ang walang hanggang kaligayahan. Siya na siguro ang pinakamainam na makasasagot sa katanungan patungkol sa pagmamahal. Mukhang imposible hindi ba? Iisipin ng karamihan, sino ang magpapakadakila para gawin ang mga bagay na yan, lalo na kung hindi naman masusuklian o walang kapalit. Pero alam kong mayoong isa na nagawa ang lahat ng ‘yan, at ginawa niya yun para sa buong sangkatauhan. Alam kong kilala mo din siya. Kilala siya ng bawat isa.  Kung ako ang tatanungin, siya na mismo ang pagmamahal. Kaya kung gusto mong malaman kung nagmamahal ka na nga ba at pagmamahal na ng aba talaga ang nararamdaman mo, tanungin mo siya, sigurado akong masasagot ka niya. Kailangan mo lang matutunang lumapit sa kanya at magtiwalang mabibigyan ka niya ng kasagutan. 

- LRF

No comments:

Post a Comment