Sunday, July 19, 2015

Aspaltadong Gubat

"Aspaltadong Gubat"

            “Pag igihin mo anak ang pag aaral mo ha, nang…” Di ko na pinatapos pa ang inay magsalita, sumabat na agad ako,
“nang makakuha ng magandang trabaho sa bayan? Pero inang…”
Napatigil si inay sa kanyang pagwawalis, mababakas sa kanyang mukha ang pagkainis. Mabilis na napalitan ng ngiwi ang kaninang ngiting namumutawi sa kanyang labi.
“Wala ng pero pero, walang aalis sa pamamahay na to. Wag kayong maniwala sa mga sabi sabi na nandyan daw ang kayamanan sa aspaltadong gubat. Mas gugustuhin ko pang mamuhay ng wala, kahit na di sumapat ang kita sa bukid, kahit di makakain ng tatlong beses sa isang araw, ang mahalaga sama sama tayo. Masaya tayong nabubuhay. Alam nyo namang tanging kayo na lang ang aming kayamanan ng inyong itay”, sagot ni ina.
“kaya nga hangga’t maaari iginagapang naming kayong magkakapatid mapag aral lang kayo. Dahil edukasyon lang ang tanging mapapamana naming sa inyo.”, dagdag pa nya habang unti unting bumabakas ang kalungkutan sa kanyang mukha.
Di na ko nagsalita pa, ayoko na muling makipagtalo pa sa kanya. Sarado na talaga ang isip ko. Masyado na siguro akong bulag sa mga sabi sabi tungkol sa aspaltadong gubat para making pa sa kanya.

Araw na naman ng linggo, pupunta uli kami ng kagubatan ni itay para mangahoy. Gaya ng inaasahan ko, sa tuwing maghihiwalay kami ng landas ng itay, magpapakitang muli ang kambal na lobo.
“Nakapagdesisyon ka na ba?”, bungad agad sa akin ng itim na lobo.
“Oo, buo na talaga ang loob ko. Sasama na ako sa mga kalalakihang nais ring pumunta sa aspaltadong gubat upang hanapin ang kayamanan”, sagot ko.
“Ano? Babaliwalain mo na lang ang mga bilin sa iyo ng iyong mga magulang? Ng iyong ina? Ang mga sakripisyo nila para sayo? Di mo ba naisip na ang lahat ng iyo’y para sayo”, sabat agad ng puting lobo.
Napayulo ako, napaisip muli, “pero gusto kong matulungan ang aking pamilya”, ang sinagot habang nangingilid ang aking mga luha.
“Ganun naman pala eh, tibayan mo loob mo, di ba gusto mo silang iahon sa hirap?”, tugon uli ng itim na lobo.
Nagpahid ako ng luha, lumakas muli ang aking loob. Nagkaroon ako ng dahilan upang ipagpatuloy ang aking binabalak. Ngayong gabi, lilisanin ko ang aming pamamahay upang sumama sa mga kalalakihang may katulad kong hangarin.
“Alam mong puro kasinungalingan lang ang meron sa aspaltadong gubat, puro pagpapanggap, puro paghihirap…”, habang binibigkas ito ng puting lobo may narinig akong boses, hinahanap na ako ng itay. Kasabay ng pagtawag ng itay sa aking pangalan ang pagkawala ng kambal na lobo. Di na natapos pa ng puting lobo ang kanyang sinasabi. “Ano kaya ang nais iparating ng puting lobo? Di ko maintindihan”, tanong ko sa sarili ko habang maglalakad kami ng itay pauwi.

Makatapos ang hapunan, pumasok na agad ako sa aking silid hindi para magpahinga kundi para mag ayos ng gamit, gamit na dadalhin ko sa aking paglisan mamaya. Nakaidlip ako dala na rin siguro ng aking pagod makatapos mag ayos ng gamit. Nagising ako sakto lang sa oras upang makapunta sa bayan kung saan kami magkikita kita. Tulog na ang aking mga magulang, naisin ko mang magpaalam bago umalis ay hindi maari dahil alam kong pipigilan lang nila ako. Nag iwan na lang ako ng liham ng pagpapaalam sa la mesa bago umalis.

Dala ang aking gamit, ipon, lakas ng loob at pangako sa sarili na babalik ako sa amin dala ang kayamanang aking hinahangad para sa aking pamilya, mag uumpisa ako ng panibagong buhay sa aspaltadong gubat. Nakarating na ako ng bayan, nakita ko ang aking mga kasamahang handing handa na sa pag alis. Halata sa kanilang mga mukha ang pagkasabik, punong puno ng galak kanilang mga puso. Nginitian nila ako noong makita nila ako sa malayo. Ginantihan ko rin sila ng ngiti. Nang makalapit ako ay saglit pa muna kaming nagkwentuhan at nagkamustahan bago tuluyang umalis sa bayan. Habang lulan ng sasakyan, bigla na namang naglaro sa isip ko ang huling sinabi ng puting lobo. Alam kong hindi ito malinaw pero may gusto syang iparating. Agad din namang napalitan ang aking pangamba ng maisip ko ang paalala ng itim na lobo. Sa aking pag iisip napansin kong tumahimik ang aking kapaligiran. Ang mga mukha ng mga kasamahan ko ay punong puno ng pamamangha , nabatid ko din naman ito kalaunan noong dumungaw ako sa bintana. Nakakamangha nga, yan ang nasabi ko sa aking sarili. Ibang iba ito sa kinalakihan kong bayan, lalo na sa baryo namin. Wala akong matanaw na nagsisitayugang mga puno, ang natatanaw ko lang ay mga nagtataasang mga bato na ginawang tahanan ng mga tao. Wala akong makitang mga hayop na mabangis o maamo man.

Nakababa na kami ng sasakyan, naglakad kami ng aking mga kasamahan papunta sa bahay na aming tutuluyan. Putok na ang araw ng  kami ay makarating. Pumasok kami sa isang bahay na mukhang bato na binutasan at nilagyan ng rehas. May kinausap ang nangunguna sa aming grupo na isang lalaking may kalakihan ang katawan. Nakangiti sya habang kinakausap ang lalaki. Nang makatapos silang mag usap ay lumapit sya sa amin at ngumiti. Napangiti din ako, dahil alam ko na ang ibigsabihin nya. Bukas na bukas rin ay mag uumpisa na kami para makakuha ng kayamanan. Makatapos ang hapunan, nagsipaghiga na kami sa aming kanya kanyang pwesto. Naisip ko ang pamilya ko, “Kamusta ng kaya ang inang? Sigurado akong nalulungkot yun ng umalis ako ng walang pasabi”, “Ang itay kaya? Alam kong sasama ang loob nya sa akin dahil sa ginawa ko.”, “Alagaan sana ng mga kapatid ko ang inang at ang itay.”, yan ang mga salitang naglalaro sa isipan ko bago ako makatulog.

Nagising ako sa tapik ng kasamahan ko, nagsisipag handa na pala sila sa aming pag alis. Agad din naman akong naghanda. Nang makatapos kaming mag-umagahan ay agad na kaming umalis sa aming tinutuluyan. Papunta na kami ngayon sa aming paghahanapan ng kayamanan. Ang tinatahak naming lugar ngayon ay malapit sa dagat, may nakikita akong pantalan. Marahil doon kami maghahanap ng kayamanan. May kinausap uli ang aming kasamahan, marahil yun ang aming magiging amo. Lumapit ang aming kasamahan sa amin, sinabi nya sa amin ang sinabi sa kanya. Nag umpisa na agad kami sa aming mga dapat gawin. Napakabigat ng mga gawain. Halos bumigay ang aking pangangatawan sa bigat ng mga bitbitin pero titiisin ko lahat to para sa kayamanan na inaasaman ko. Natapos na ang araw. Tinatahak na namin ang landas pauwi. Iba’t ibang tanawin at pangyayari ang nakikita ko. Mga pangyayaring di ko nakikita sa aming baryo. Nakauwi na kami. Makatapos ang hapunan ay nagpahinga na agad ako. Kumuha ako ng papel at lapis, susulat ako sa inang. Di ko na natapos pa ang aking sinusulat, nakatulog na ako sa pagod. Nagising na lang uli ako sa tapik ng aking kasamahan. Umaga na pala, oras na uli para pumasok. Halos ilang linggo din na ganun ang sitwasyon ko. Paulit ulit.

Dumating na rin ang oras na hinihintay ko, makukuha ko na rin ang kayamanan na inaasam ko. Natapos na ang araw na ito, nakuha ko na rin ang parte ko sa kayamanan na aking inaasam. Sabi nila madadagdagan pa daw ito kung magpapatuloy kami sa aming ginagawa, di rin naman agad kami makakauwi sa amin dahil  may kontrata.

“Mapapadalhan ko na rin ang inang!”, ang sabi ko sa sarili ko ng may galak habang bitbit ang kayamanan kalakip ng liham na kanina ko lang natapos.

-          Itutuloy…



-          Puting Lobo

No comments:

Post a Comment