Wednesday, July 15, 2015

Entry # 2 REPLY

 July 14, 2015
 09:26 pm

Reply

"Anak, nasan k na? Gbi na ah? "

Nagtext si Mama sa akin ngayon para itanong kung nasaan na ako. Ewan ko ba, pero naunahan ko naman siyang magtext nang "Ma, nakauwi na po ako.” Tingin ko late receiver na naman siya.

Gabi-gabi akong tinatanong ni mama kung pauwi na ba ako. Kaso, mabibilang mo lang sa kamay ang mga pagkakataong sinisipag akong replayan siya. Kaya madalas tuloy siyang nagmimisa pag-uwi ko. Kesyo di ko raw sila iniintindi, kesyo wala akong pakialam kung may pamilyang nag-aantay akong makauwi ng ligtas. Sa isip-isip ko, parang ang sama sama ko namang anak. Parang wala na kong nagawang kabutihan sa mga magulang at kapatid ko. Parang buong buhay ko naging wala akong kwentang tao, sa sobrang walang kwenta, naisulat ko ang akdang ito. Pero teka, iskolar yata ako at consistent honor student mula pa noong natuto akong humawak ng lapis at sumulat sa papel. Madalas akong manalo sa mga paligsahang sinasalihan ko, at hindi lang basta manalo -ako palagi ang nangunguna. Kaya ayun, akala ko solb na si mama sa mga medalyang inuuwi ko. Hindi pa pala.

Hinuha ko noo'y "nasanay" na si mama sa mga pagkapanalong ipinapasalubong ko sa kanya taon-taon. Medyo mayabang kung pakikinggan, pero ito ang totoo. Naging normal na tagpo na lamang ang pag-akyat nya sa entablado tuwing Recognition Day. Ordinaryo na lang ang paulit-ulit niyang pagsabit ng mga medalya sa leeg ko. Wala nang pagkasabik kapag babanggitin ang pangalan ko sa mikropono. Kung ang ibang magulang at estudyante eh parang nakabinggo kapag nakatanggap ng diploma at sertipiko, ako hindi pa kuntento kahit ako man ang tanghaling panalo. Ginawa ko lahat- tumula, kumanta, sumayaw, nagsulat ng sanaysay, nag-quiz bee, nagreport, gumuhit, umarte -lahat para lang mapasaya si mama. 



Dumating ang isang araw at kinalawang na ang mga medalya kong nakatengga lang nang ilang taon sa tokador namin. Palibhasa'y di napapansin, ayun kinain na lang ng kalawang. At sa mga panahong yon, pakiramdam ko'y wala na kong magagawa pa para matuwa si mama, dahil nagawa ko na lahat. Ayoko na. Ubos na ang gasolina ko. 



Ilang taon ang nakalipas at nakatapak na rin ako sa kolehiyo. Iba na ang hangin pagdating ko sa Maynila. Halatang mabaho at madumi ang paligid pero wala na ang dating matinding kompetisyong kinaharap ko noong nasa highschool at elementary ako. Wala na palang pressure kapag college na, kaypala'y mas mahirap na kasing pakisamahan ang mga propesor, maging ang mga kaklase mo. Minsan sweet at considerate, pero mas madalas na bitter at strict. Ayos na sana ang lahat kaso napapadalas ang pabagsak nang mga iskor at grado ko sa exams. Di bale, pampalubag-loob ko sa aking sarili, marami pa namang pagkakataong bumawi. Naisip ko tuloy na pangit rin pala kapag walang pressure, kapag walang umaasa sayong pag-angat, kapag masyado kang malaya at  nakakalimutan mo na ang pagkakaiba ng "tama" sa "pwede na". Naisip ko tuloy, kung ano kayang sasabihin sakin ni mama gayong di na sya umaakyat sa entablado para samahan akong kumuha ng medalya. 



Binalak kong sabihin kay mama minsan. Hanggang sa ipinagpaliban ko at umabot na nang ikalawa, ikatlo, at ikaapat na pagkakataon -wala pa din akong lakas ng loob. Kaya sa ikalimang beses, tinapangan ko na ang loob ko at nilunok ang pride ko. 



"Ma, may sasabihin ako sayo."



"Oh ano yun? Kailangan mo ba nang pera?" 



"Ah hindi po ma. Hindi po ito tungkol sa pera."



"Eh ano nga? Bilis at gagawa pa ako nang exams."



"Eh kasi po.. "
...



...



...



"bagsak po ako sa exam namin sa Trigonometry."



Inaasahan ko nung dadampi ang mga palad niya sa mukha ko, pero ibang parte ng katawan ko ang kanyang hinaplos -ang aking mga balikat. 



"Anak, okay lang yan. Ako nga naka-singko nun dati sa Math noong College ako. Stats ata yun. Hahaha. Okay lang yan."



Di ko alam kung matatawa ako nun dahil nakasingko pala si mama dati at may pang-asar na ako sa kanya o maiiyak ako dahil sa unang pagkakataon, sa unang pagkakataon sa buhay ko eh narinig ko ang pagtanggap niya sa pagbagsak ko, kahit ako mismo ay hindi matanggap yun. 

Naalala ko tuloy bigla lahat nang mga nakalipas na tagpo sa buhay ko -ang bawat pagkapanalo ko nun sa mga contests, ang bawat Recognition Day, mga PTA meetings, mga Christmas parties, ang JS Prom namin nung 3rd year at 4th year highschool, ang Graduation Ceremony ko noong elementary at highschool, ang DOST Scholarship Contract Signing sa Pampanga -lahat ng yun nandoon si mama. Nandoon siya kasama ko. 

"Anak, nasan k na? Gabi na ah?"


Oh siya, tama na muna ang drama. Replayan ko muna si Mama. Ingat sa ating lahat.



Akda ni: Aubrey May De Francisca

No comments:

Post a Comment