IKAW
Naglalakad na siya sa gitna ng simbahan. Ang lalaking pinangarap ko. Laman ng isip at puso ko. Ang lalaking gusto kong nakasama habang-buhay. May ngiti sa kanyang mga labi at bakas ang tunay na kaligayahan sa kanyang mga mata.
Sa pagpatak ng bawat oras ay
ikaw ang iniisip-isip ko hindi ko mahinto pintig ng puso. Ikaw ang
pinangarap-ngarap ko, simula ng matanto na balang araw iibig ang puso…
Ang lalaking ito ang nagbigay sa akin ng pag-asa sa buhay. Itinuro
niya sa akin ang tunay na kaligayahan sa mundo, kung paano maging masaya sa mga
mumunting biyaya. Iminulat niya ang mga mata ko sa katotohanan. Katotohanang
hindi man maganda, nagbibigay naman ng leksiyon. Higit sa lahat, tinuruan niya
akong magmahal. Ang klase ng pagmamahal na walang hinihinging kapalit.
Pagmamahal na walang katapusan. Pagmamahal na walang kapantay.
Ikaw ang pag-ibig na hinintay.
Puso ay nalumbay ng kay tagal ngunit ngayo’y nandito na ikaw. Ikaw, ang
pag-ibig na binigay sa akin ng Maykapal biyaya ka sa buhay ko. Ligaya’t
pag-ibig ko’y ikaw.
Pumuwesto na siya sa harap ng altar, katabi ng kanyang matalik na
kaibigan. Masaya ako dahil masaya siya. Mahal na mahal ko ang lalaking ito.
Ibinabalik ko na ngayon ang lahat ng kabutihang ginawa niya sa akin. Kahit
na…kahit na ikinadudurog ito ng puso ko.
At hindi pa`ko umibig nang
gan`to at nasa isip makasama ka habang-buhay.
Tumayo ang lahat nang maglakad na sa gitna ng simbahan ang babaeng
naka-belo. Sa likod niyon ay nagtatago ang isang magandang mukha. Nakangiti. At
ang tingin ay hindi nawala sa lalaking akin ring tinitingnan. At sa bawat
pagtipa ko ng nota at pagkanta sa bawat letra, unti-unti kong nakita ang luha
ng kaligayahan sa bawat isa na naroon.
Ikaw ang pag-ibig na hinintay.
Puso ay nalumbay ng kay tagal ngunit ngayo’y nandito na ikaw…
Sa paghaharap nila sa Diyos at sa lahat ng naroon, bumuhos na din ang
mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Mga luhang hindi kagaya ng mga luha nila.
Sa mga huling salitang aking inawit sa kasal ng aking kaibigan, doon ko din
huling maipapadama ang pagmamahal ko sa kanya.
Ligaya’t pag-ibig ko’y ikaw…
Pag-ibig ko’y ikaw.
No comments:
Post a Comment