Thursday, July 16, 2015

Entry # 6: Badjao

Pagkain, tirahan at kasuotan mga pangunahing pangangailangan ng tao upang malagpasan ang pagsubok ng buhay. Ito ang reyalidad. Masakit isipin na may mga bagay na hinahangad ang mga tao para matugunan ang kanilang luho at kagustuhan, walang ibang iniisip maliban sa kanilang kasiyahan. Siguro nga masasabi natin na ang panahon ngayon ay nasa makamodernong tagpo, ngunit sa kabila ng ganoong kalagayan nakakalimot ang iba, na may presensya parin ng tao lalo na ang mga batang salat at halos wala nang makain sa bawat araw na dumadaan.

Madalas matutunghayan ang ganitong pangyayari sa mga mataong lugar tulad ng mga pamilihan. Kalat sa bawat sulok ng lugar ang mga batang naglalakad na walang tsinelas, mga batang nakahiga sa gilid ng daan at mga batang nanlilimos sa mga tao na parang walang pakiramdam. Isang halimbawa rito ang mga “badjao” sila ang pangkat ng  taong naninirahan sa probinsya ng sulu. Karamihan sa kanila ay pumuntang syudad tulad ng maynila, dahil sa pag aakalang mas maganda ang buhay dito.

Sa umaga’y sila ay umaakyat sa mga pampublikong sasakyan upang humingi ng limos. Karamihan ay may mga dalang pang aliw na instrument upang mapansin sila ng mga pasahero. Ngunit sa kabila ng kanilang ginagawa, sila,y kinukutya, pinandidirihan at ang masakit ay sinasabihan ng masasakit na salita. Saksi ako sa mga ganoong pangyayari. Ngunit ako man ay walang magawa dala narin ng tao na mapasama.

Hindi natin masisisi ang mga taong tulad nila, silay napaniwala sa mga maling kaisipan. Ang konseptong “masarap ang buhay sa syudad” ay isang malaking kasinungalingan. Tayong mga taong nakakaranas ng kaginhawaan, subukan nating unawaain ang mga tulad nila. Sila’y taong nagsimula sa hirap at hanggang ngayon ay naghihirap. Tayong marunong umunawa at kayang tumulong subukan nating bigyang pansin ang tulad nila.

Ngayon, kung ating maitatanong ang kanilang kagustuhan ayun ay makakain at makauwi sa kanilang lalawigan. Dahil sa dinaranas nilang hirap dito sa syudad, mas gugustuhin na nilang bumalik kung saan sila nagmula. Lalo na ang mga magulang na “badjao” masakit sa kanilang makita ang kanilang mga anak na nahihirapan at nagugutom. Halos lahat ng tao ay nahihirapan, ngunit anu pa ang paghihirap nila kumpara sa ating paghihirap.

Lubusan silang nahihirapan!  

Isinulat ni: Joseph De Mata

No comments:

Post a Comment