Ang Teddy bear ko
(Talaan ng Panaginip)
ni: Johnny T.
Brillantes III – 28 BSPT
Nagising ako isang umaga
na yakap-yakap ang aking paboritong teddy bear. Habang tinititigan ko iyon ay
maraming pangyayari sa aking buhay ang siyang bumabalik sa aking alaala na
kahit anong pilit kong kalimutan ay hindi mawala-wala sa aking isipan.
Maya-maya, may narinig akong mahinang katok na nagmumula sa pinto ng aking
malaking kwarto kasabay ng pagtawag ng aking pangalan. Si ama, tinatawag na
niya ako upang magkasabay kaming kumain ng agahan. Naghilamos, nagsipilyo at
nag-ayos ako ng aking sarili sa loob ng aking banyo. Habang pinagmamasdan ko
ang aking sarili sa harap ng salamin, napansin ko na kamukhang-kamukha ko ang
aking ama - mula sa mapupungay na mga mata, mahahabang pilik-mata, katamtamang
hugis ng ilong hanggang sa mapupulang labi. Masasabi ko talagang nakuha ko ang
pisikal na katangian niya. Natanong ko lang, namana ko rin kaya ang
pag-uugaling taglay niya? Bumaba na ako papunta sa kusina kung saan nakahanda
ang aming agahan habang hawak-hawak ko ang aking teddy bear. Umupo at
pinagmasdan ang mga pagkain na nakahanda sa lamesa. May adobong karne,
sinigang, dinuguan, pritong karne at iba pang pagkain na mula sa karne.
Napaisip ako, bakit lahat ng aming pagkain ay puro karne? Nagwalang-kibo na
lamang ako at kumain na ng agahan. Hapon, habang naglalaro ako ng aking teddy
bear sa labas ng aming bahay ay nakita kong may buhat-buhat si ama na isang
malaking sako. Napansin ko na may tumutulong pulang likido na nagmumula sa sako.
Nagtaka ako sa aking nakita kaya sinundan ko siya patungo sa lumang balon.
Nakita kong itinapon ni ama ang laman ng sako sa loob ng balon kasabay ng
kakaibang tunog na aking narinig. Umalis si ama na hindi man lang ako
napapansin. Lumapit at tinignan ko ang loob ng balon. Nagulat ako sa aking
nakita at nabitawan ko ang aking teddy bear.
Habang pinagmamasdan ko ang
balon, naririnig ko pa rin ang iba't ibang sigaw na nagmumula rito. Mga sigaw
na nagmamakaawa at humihingi ng tulong. Mga sigaw na hanggang ngayon ay hindi
pa rin nabibigyan ng kasagutan. Itinapon ko ang laman ng huling sako na nakuha
ko ngayong araw. Simula noong magkasakit si ama ay ako na ang gumagawa ng mga
gawain niya. Nang paalis na ako, may parang malambot akong natapakan. Kinuha ko
ang malambot na bagay at napangiti dahil iyon ang teddy bear na naging saksi sa
pagkamulat ng aking kaisipan sa tunay naming pamumuhay.
Nagising ako na parang may
hawak-hawak akong teddy bear sa aking kamay. Ang teddy bear na iyon ang dahilan
kung bakit may peklat ako sa aking kanang noo. Ngayon na malaki na ako, umaasa pa rin akong makikita at mayayakap kong muli ang teddy bear ko.
No comments:
Post a Comment