Saturday, July 18, 2015

Patapos na Salita

                Ikaapat na naman ng hapon, tumatakbo na naman ako mula sa ikatlong palapag, nagmamadali dahil baka mahuli na naman ako sa susunod na klase, hinihingal na akala mo ay malapit ng malagutan ng hininga. Dinatnan ko ang mga kaklase kong nag-aabang sa tapat ng pinto ng silid na aming paglalagian. Naghintay kami ng ilang minuto para matapos at makalabas ang unang pangkat sa silid. Nakapasok, nakaupo at nakipagchismisan ang bawat isa na akalay mo’y ilang dekada na hindi nagkita kahit na ang totoo ay ilang araw lamang na hindi nasilayan ang bawat isa.
                Habang umuugong ang mga bulong at halakhak ng bawat isa amin, nananatili ang ulan sa pagbagsak na tila galit, na tila mula sa galit na langit. Patuloy na humahampas ang hangin sa mga punong lulunday lunday at parang sumasayaw sa isang himig ng musikang kay ganda na sila lang ang may kakayahang makadinig. Walang awat na bumubuhos ang hindi ko mabilang na patak ng ulan sa  bawat luntiang dahon, sa bawat metrong parisukat ng daan, sa bawat lantad na mga buhok ng mga bawat taong naglalakad o tumatakbo sa ilalim na ulan na hindi mo malaman kung wala ba talagang payong o tinatamad lang talaga magpayong. Ayaw magpahinto ng sigla ng bagyo sa pag-awit at pagsayaw sa isang musika na parang nagsasabi na “heto ako, nagdudulot ng ginaw, umuwi ka na at humiga at damhin ang lambot ng iyong nakapang-aayang kama, lasapin ang init na dulot ng iyong mga nanlalamig na unan at kalabanin ng kumot ang bawat pagyakap ng malamig kong hangin.” O diyos ko, pwede ba akong matulog?
                Pero ang pag-ikot ng aking isipan sa kung ano ang nais talagang ipahiwatig ng panahon na ito ay pinutol ng isang malakas na hampas at lagutok ng isang matalim na kidlat na gumuhit sa nag-aala usok na mga ulap, isang kidlat na pawang nagbalik ng aking diwa sa sild-aralan kung saan ako ay nananahimik at pinagmamasdan ang bawat isa na nag-iisip sa kung ano ang pwede nilang isulat sa dilaw nilang papel para sa isang komposisyon na pinagapagawa ng guro nila.
                Sinubukan kong iwasan ngunit ako’y bigo at muli kong nilakbay ang bawat isipan ng bawat isa sa pamamagitan ng dire-diretsong pagtuloy at walang pagkatok kuno sa pinto ng kanilang mga mata na kung hindi nagniningning dahil sa galak ay nangangalumata nang dahil pagod sa pag-isip at paggawa sa mga requirements sa paaralan na hindi nila malaman kung kailan ba nila matatapos. Iniisip ko paano sila nakakapag-isip ng isusulat kung ang lahat ng ideya, talata, pangungusap, parirala o ultimo mga salita sa kanilang isipan ay parang magkakalaban sa isang paunahan na kung saan ginto ang matatanggap na premyo, mga salita na parang mga taong lumalabas sa gabi at naghahanap ng ligaya at pangsandaling pagtawa sa mga luagar na mayroong madilim na paligid at nagsasayaw na mga ilaw na kulay asul, berde o kahit pula, na itong mga taong ito ay hindi mo maintindihan. Hindi mo maintindihan. Hindi ko maintindihan. Hindi natin maintindihan.
                Oo. Hindi. Natin. Maintindihan. Ito yung mga salita na nakukulong sa bawat sabaw mong utak kapag punong puno ka na ng x2 o derivative of x with respect to t, sa bawat pag-atras ng iyong dila sa tuwing sinusubukan mong abutin ang kanyang kamay para hindi siya umalis, at sa bawat pagpikit ng iyong mga mata sa tuwing nakikita mo siya at sa tuwing nangangarap ka na sana makaamin ka na sa kanya. Ito yung mga salitang hindi mo masabi-sabi sa kanila dahil hiyang hiya ka na at hindi mo alam kung saan ka pa huhugot ng hugot mo este kung saan ka pa huhugot ng lakas ng loob para lang mabigkas mo ang mga katagang magpapalaya sa damdamin mo sa kung sino ka talaga, sa kung ano ang gusto mo o mga malalambing at malapit ng langgamin na mga salita na magpapalaya sa damdamin mo sa kanya na matagal mo ng itinatago sa kahon na pinangalanan mong lipunan.
                Yung mga salitang yan? Para yang bato na kapag ibinato sa mo sa taong ayaw mo, sa mga taong galit ka, sa taong mahal mo na kinakatampuahan mo, masasaktan sila. Para yang kamao na pwedeng makasuntok na magdudulot ng sakit o pwede ring makapaghaplos na magdudulot ng pagkalma sa mga emosyon mong daig pang nag-aaway sa isang digmaan, World War III kumbaga. Yung mga salitang yan? Yan. Nakakainis yang mga salita na yan dahil hindi mo alam kung san ka nila dadalhin o ano ang ibibigay nila sa’yo, saya, galit, inis, tawa, kilig. Yang mga salitang yan? Kaya ka nilang paglaruan parang sa kung ano ginawa sa’yo ng ex mo. Kaya dapat alam mo kung paano mo sila laruin, kung paano mo sila papaikut ikot ikot ikot ikot at ikutin sa mga daliri mong may madumi pang kuko. Yang mga salitang yan? Pwede yang ibato pabalik sa’yo kaya dapat ginagawa mo kung ano ang ginagawa mo pagdating sa pagmamahal, dapat maingat ka.
                Pero alam mo ngayon? Pagod na akong  maging maingat. Kasi, iyang mga salitang yan, painapaikot ikot lang tayo. Tignan mo ngayon, nakikinig ka sa mga sinasabi ko na tingin ko ay namamalayan mo ng wala naman talagang silbi o halaga. Parang alkansaya ang akdang ito, isang maingay na alkansya. Pero, teka, huwag mo ng ihinto ang pagbabasa at pakikinig, dahil tulad ng sabi ko, pagod na akong mag-ingat. Masaktan na ang lahat ng pwedeng masaktan. Maloko na lahat ng pwedeng maloko. Pero ako? Ilang kataga lang ang gusto kong malaman mo at tulad ng akdang ito,
                tapos na.
                Tapos na tayo.
                Tapos na tayo pero.
                Tapos na tayo pero tandaan mong mahal kita.
                Tapos na na tayo pero.
                Tapos na tayo.
                Tapos na.
                Parang ang akdang ito.


(Isinulat ni K. Gale Hernandez)

1 comment:

  1. 1xbet » Free Bet, Bonus, Deposit & Review | Dec 2021
    What is 1xbet? — 1xbet is a casino that offers gri-go.com a worrione.com selection of online 바카라 사이트 casino games, such as slots, roulette, https://septcasino.com/review/merit-casino/ and poker. There 1xbet korean are

    ReplyDelete