Manlilibre Ako!
isang dyornal
"Manlilibre ako!"
Ito ang tanging mga salitang namutawi sa aking bibig sa oras na iyon dahil sa
walang paglagyang kasiyahang aking nadama ko sa aking puso.
Ikalawa ng Hulyo 2014, matagal na ring panahon ang lumipas mula nang magsimula
ang semestre kung kaya naman ay nasanay na kaming mula sa tambak na gawain sa
anumang asignatura. Bagaman Miyerkules, araw sana ng pahinga para sa aming
iskedyul ng puspusang pagsusunog ng kilay sa pagdadalubhasa sa Liknayan sa
kolehiyo, hindi na rin maikakailang ang bawat Miyerkulas ng aking buhay ay
nakatuon lamang sa pagtungo sa silid aklatan upang maihanda ang sarili para sa
kinabukasang mga talakayan.
"Ano kayang naghihintay
na surpresa sa akin ngayong araw?", bulong ng isip ko habang ang aking mga
paa ay mabilis na humahakbang tungong silid aklatan.
Hindi ko maialis sa aking
sarili ang umasa sa isang surpresa kahit hindi ako tiyak kung magaganap. Hindi
rin naman siguro maiaalis sa bawat babaeng tulad ko na masabik sa ikalabing
walong kaarawan - ito kasi ang sinasabing pinakaespesyal na kaarawan para sa
mga babae.
"Masyadong busy para
magcelebrate pa", tugon ng isip ko sa sarili. Siguro nga. Sa rami ba naman
ng gawain ay makuha ko pa kayang huminga saglit upang magdiwang ng aking
kaarawan? Marahil ay masaya na akong may makaalala ng petsang ito at batiin man
lamang ako ng "Happy birthday" nang sa gayon ay masulit naman ang
bawat oras sa pagdaragdag ng aming kaalaman.
Nasa aklatan na ako at
tanging katahimikan lamang ang maririnig sa paligid bagaman kasama kong
nag-aaral ang aking mga kagrupong sina Emmy at Vanessa nananaliksik para sa
aming pag-uulat. Napawi ang katahimikan nang magwika si Vanessa, "Guys,
magsend daw kayo ng greetings para kay Donna. Ngayon na at bigla siyang nautal
nang mamalayan niyang ako nga pala yaong kasama nila sa aklatan.
"Oh my God, gf! Wala
kang narinig, ha? Sorry talaga. Kunwari na lang hindi mo alam kapag nakita mo
sila, ha?", wika niyang bumasag ng katahimikan sa lakas na napalingon pa
ang mga tao sa amin. Napangisi na lamang ako. Masusurpresa pa kaya ako kahit
alam ko na ang gagawin nilang surpresa? Marahil ay hindi na.
Mali ang aking hinala. Umalis
na kami sa aklatan. Tanghali na rin naman at nagsisimula nang kumalam ang aming
mga sikmura. Bibili na sana ako ng pagkain nang masalubong ko ang isa ko pang
kaklaseng si Cendrix at binigyan ako ng hopia kaya naman sumama na ako sabay
ang pag-asang makalibre ng pananghalian.
Lingid sa aking kaalaman,
patungo pala kami sa isang lamesa kung saan naghihintay ang isa pa naming
kaklaseng si Chris. Akala ko naman ay magkukuwentuhan lamang kami ngunit
nabigla ako sa mga sumunod na nangyari - binati niya ako, naglabas ng maliit na
litratong may sulat ng pagbati at isang tangkay ng rosas.
Mali ako sa aking hinala.
Maluha luha kong tinanggap ang bulaklak at tumuloy na kami sa paglakad at ako
naman ay sumunod lamang kung saan sila patungo. Puno ng kuwento at tawanan ang
bawat pasilyong aming dinaanan at sa bawat mahintuan namin ay may kaklaseng nagtatagong
babati at mag-aabot ng rosas. Sa bawat pagtigil, parami ng parami at paingay ng
paingay ang kuwentuhan at mga yabag patungo sa kasunod na destinasyon.
Umabot na kami sa harapan ng
pamantasan ngunit labing lima pa lamang ang hawak kong rosas. Nasaan pa kaya
ang nalalabing tatlong rosas? Umayon na lamang tuloy ako kung saan patungo ang
aking mga kasama.
Lumabas kami ng pamantasan,
tumawid sa Taft Avenue at binagtas ang kalye patungong Luneta. Naroon pala
nag-aabang ang kanina ko pang hinahanap na si Cielo, ang aking kasintahan.
Inaasahan ko naman na talagang sa huli ko pa siyang makikita ngunit ang hindi
ko inaasahan ay yaong malakarwaheng kalesa sa likuran niya.
Binati niya ako at pansamantala
naming iniwan ang aming mga kasama. Magino niya akong pinasakay sa kalesang
naglibot sa amin sa buong Luneta.
Unang beses kong makasakay ng
kalesa. Pinangarap ko man sumakay sa kalesa, hindi ko inasahang makakasakay ako
dahil hindi ko maiwasang isiping may kamahalan ang panandaliang pagsakay doon
kung kaya naman sobrang ligaya ang aking nadama habang nakasakay kami sa
kalesa.
Hindi ko pa rin lubos maisip
na ganiyon ko ipagdiriwang ang aking kaarawan ng araw na iyon kung kaya naman
sa aming pagbalik, napabitaw ako ng mga salitang hindi ko inaasahang aking
masasambit.
"Manlilibre ako!"
Ito ang tanging mga salitang namutawi sa aking bibig sa oras na iyon dahil sa
walang paglagyang kasiyahan sa aking puso pati na ang lubos na pasasalamat sa
mga tunay na kaibigang naglaan ng napakahahalagang oras para samahan ako sa
pagdiriwang ng aking kaarawan.
Isinulat ni: Donnafher Rose Quiapon , III - 28 BSPT
No comments:
Post a Comment