Friday, July 17, 2015

Entry 18: WALANG KAPALIT

“Walang Kapalit”
Vanessa O. Plaza

Kabadong-kabado ang kaklase ko ng araw na iyon kasi nalaman niya kay sir na mababa raw ang kanyang marka sa kanyang asignatura. Dahil mukhang namomroblema ang kaklase ko, sinabi ko sa kanya na sasabayan ko siya mamaya kay sir upang tanungin kung ano ang nararapat naming gawin upang hindi siya bumagsak at para hindi na siya kabahan pa.
“Wag kang mag-alala _____, tutulungan kita” sabi ko sa kaibigan ko.
Nang matapos na ang klase, agaran kaming pumunta ng kaibigan ko sa faculty ni sir upang pakiusapan si sir na wag siyang ibagsak.
“Magandang hapon po sir” sabi naming dalawa.
“Oh? Ano kailangan niyo? Oo nga pala _____ (pangalan ng kaibigan ko), nasabi ko na sayo na babagsak ka di ba?
“Opo, sir, yun po sana yung sadya po namin. Ahm sir wag niyo na po akong ibagsak sir, please po” sabi ng kaibigan ko.
“Oo nga po sir, baka naman po sir pwede po” sabi ko kay sir.
“Hindi pwede, bagsak na siya. Wala na pwedeng gawin dun” sabi ni sir.
“HALA! Sir, sige na po, please please please?” sabi naming dalawa.
“Hmmpp”, pagtataray ni sir sa amin, sabay akmang aalis na siya ng faculty.
Dahil dun talagang pinilit na naming dalawa at ginamit na lahat ng pagpapakiusap kay sir upang hindi bumagsak ang kaibigan ko. At yun naman mukhang napapayag namin si sir at tuwang-tuwa ang kaklase ko dahil hindi na siya babagsak. Kaya ako nagpasyang itanong kay sir:
“SALAMAT PO TALAGA SIR, ahm ano po pala ang kailangan gawin ni _____ para po sa hindi niya po siya bumagsak?” ang tanong ko kay sir.
“ABA!!! Kailangan ba lahat ng bagay eh may kapalit? Yun ba ang sinabi mo sa akin?” ang galit na tugon ni sir.
“Ayy hindi naman po sir, kasi po di ba kayo na rin po nagsabi sa amin dati na may kailangan pong gawin or i-make up para po makapasa?” ang kinakabahan ko namang sagot kay sir.
“Oo nga po sir, nasabi niyo po sa amin dati yun at ganun din po ginawa niyo sa ibang bumabagsak sa inyo” sabi ng kaibigan ko.
Nakagawian na ni sir na ganun ang gawin sa mga bumabagsak sa kanya kaya ko naitanong yun kay sir ngunit sa hindi malaman na dahilan (baka may masamang hangin na umihip sa kanya o hindi kaya’y masamang espiritu na sumanib sa kanya) eh iba ang naging dating sa kanya ng tanong ko na sa puntong galit na galit siya sa nasabi kong iyon at umalis na siya sa faculty para may kunin sa baba.
“Ano kaya nangyari dun kay sir?” tanong ko sa kaibigan ko.
“Aba, malay ko dun alam mo naman yun si sir, parang lagi na lang meron, basta ang importante dun eh hindi na ako babagsak at ang masaya pa dun ay wala pa akong gagawin, grabe ang swerte ko naman ngayong araw na ‘to. Uy salamat pala at sinamahan mo ako ahh, kung hindi mo ako sinamahan baka bumagsak na ako, salamat talaga ah” masayang sabi ng kaibigan ko.
“Naku, walang anuman yun, ikaw pa ba malakas ka sa akin eh” sabi ko sa kanya.
KINABUKASAN…
Bakit ako? Wala naman akong kasalanan ah. Ito ang tumakbo sa isip ko habang kaming lahat ng magkakaklase nung high school ay pinarurusahan ng aming guro.
“Lahat kayo, ngayon na, mag squat kayong lahat!!!” Yan ang nasambit ng guro namin ng umagang iyon. Galit na galit siya sa klase namin pagkadating na pagkadating pa lang niya sa room dahil sa hindi ko na matandaan na dahilan (medyo mahina na memorya ko J) pero isa lang ang sigurado, ang dahilan kung bakit galit na naman siya ay wala na naman sa hustiya. Madalas naman na ganito ang ipinapakita sa amin ng gurong ito at kahit tanungin pa lahat ng mga hawak niyang klase ay pare-parehas lang kami ng sasabihin na lagi na lang may sabit ang pag-uugali si sir.
Dahil sa napakalakas na sigaw ni sir, lahat agad kami ay dali-daling nag squat na. Habang lahat kami ay naka squat, pinagalitan at senermunan kami ni sir na kesyo ganun, ganyan daw kami at may pinariringgan siya na:
“Oh yung mga walang kapalit diyan oh”
Doon pa lamang sa salitang walang kapalit naisip ko na ako ang tinutukoy ni sir sa kanyang pagpaparinig, Ngunit ang hindi ko lang mabatid at mawari ay kung bakit niya ako pinaparinggan. Mga bandang nakaka   tatlumpong minuto na kaming naka squat dun ay nagsimula na siyang magtawag ng mga pangalan:
“Ikaw _____ umupo ka na. Ikaw rin ______. Oh kayo naman yung isang row diyan. Yung mga nasa likod kayo din umupo na kayo”
Habang nagbabanggit si sir ng mga estudyanteng kanyang pinapaupo. May mga sinasabi pa rin siyang mga litanya na parang sa akin ipanaparatang at ganun pa rin, hindi ko pa rin malaman kung bakit ako. Lumipas na ang ilan pang minuto at naka squat pa din ako at yung mga iba pang hindi pa pinapaupo ni sir. Sobrang sakit na ng mga paa namin nun sa sobrang tagal naming naka squat, mukha kaming nag tra-train sa military. Pero sa pagkakataong ito, lahat na pinaupo ni sir maliban sa isa. At ang nag-iisang at natitirang naka squat ay ako na lang.
“Oh ano? Miss Plaza, sasabihin mo na naman bang may kapalit yung pagpapaup ko sa iba? Walang kapalit yun!” ang galit na sabi ni sir sa akin.
“Sir hindi naman po ganun ang ibig sabihin ko po nun kahapon, kasi po sir ganito yun…” ang mangiyak ngiyak kung sagot.
“Wala! ‘wag ka ng magpaliwanag pa! Hala, mag squat ka diyan!” ang pasigaw na sabi ni sir.
Sa sobrang takot at pagod ko kaka-squat, umiyak na lang ako at iniisip ko pa rin kung bakit yun nangyari sa akin. Hindi naman ganun ang ibig sabihin ko nun kay sir, ni hindi ko nga maisip kung saang parte ng pagkakasabi ko ang mali eh. Basta iyak lang ako ng iyak habang lahat ng kaklase ko ay nakatingin lang sa akin. Nang malapit ng mag-time, pinaupo na ako ni sir at umalis na siya sa klase. Sa mga oras na yun ay umiyak na lang ako ng umiyak dahil sobrang manhid na ng paa ko at pagod na pagod na ako mula sa pag squat. Ang mga kaklase ko din ay lumapit sa akin at dinamayan ako at binigyan ako ng lakas ng loob na wag ng umiyak pa.
Pero habang lumilipas naman ang mga araw, nagulat na lang ako at hindi na galit sa akin si sir at “back to zero” na ulit kami na para bang walang nangyari. Feel ko naisip din ni sir na hindi naman ganun yung pagkakasabi ko at na misunderstood lang niya. Pero, kahit siguro ganun, okay lang naman sa akin yun ganun at least naiinitindihan na rin ni sir sa wakas pero ang nais ko lang sana ay makarinig man lang ng sorry kay sir pero hindi yun nasabi ni sir sa akin. Ayos lang din yun sa akin ang mas mahalaga ay hindi na siya galit sa akin mas importante yun. Isa rin sa mga plot twist at ang masaya pa niyan eh ako ang naging BEST IN _______ (asignatura niya) sa kanyang klase.
Siguro ang bright side dun eh naging best ako sa kanya, nag pursigi ako sa klase niya at ginagawa na lang naming biro yung nangyari sa amin nun. Pero kung tatanungin niyo ako kung ano yung moral lesson ng kwento ko? Hindi ko din alam….hahahaha :D
Kayo ba may naiisip ba kayo na moral lesson dito?

1 comment: