Saturday, July 18, 2015

Siya.

ni: Cloud Zinner


     Mahirap magsulat. Mahirap. Hindi dahil nakakangawit sa kamay o dahil mahirap mag-isip ng isusulat. Mahirap magsulat dahil mas mabilis ang utak kaysa kamay. Mas mabilis dumaloy ang mga ideya palabas ng utak kaysa ang pagdaloy ng tinta palabas ng ballpen. Kung pwede lang sana na magsatinta direkta ng mga ideya papunta sa papel...
     Pero hindi ako nagsusulat ngayon tungkol sa pagsusulat. Ang isusulat ko ay tungkol sa pag-ibig. Oo, palasak na. Paulit-ulit. Sawang-sawa na ang lahat sa pagbabasa, pakikinig, at panonood ng mga bagay-bagay tungkol sa hinayupak na pag-ibig na’yan. Pero pakinggan n’yo ‘ko. Iba ‘to. Iba.
     Enero. Ang pinaka-makulay na buwan ng taon ko. Una ko s’yang nakita na nakiki-barge-in sa ibang agents sa office. Nakatayo s’ya kaya nakita ko s’ya agad. Nakatulong din ang matingkad n’yang dilaw na buhok na kitang-kita kahit na gan’to ako kalayo sa kanya. At saka isa pa ay tinuturo s’ya sa’kin ni Faye na kanina pa kinikilig at paulit-ulit na sinasabing bagay daw kami sabay kurot sa braso ko. May panggigigil pa. Haynaku Faye. Pero hindi ako nadismaya. Hindi s’ya panget. Sa totoo lang, gwapo pa nga. Gusto ko na s’yang makilala agad. (Lende).
     Mayo. Ang pinakamadilim na buwan ng taon ko, so far. Sana hindi ko nalang s’ya kinausap. Sana hindi ko nalang s’ya nakilala. Sana hindi nalang ako umasa. Pusanggala talaga. ‘Yan ang iniisip ko habang patakbo akong lumalabas ng bahay nila dala ang mga gamit ko. Ayoko ‘na. Hindi ko kayang tanggapin ang mga sinabi n’ya. Ayoko na.
     Mayo, kinabukasan. Hindi ako nakatulog. Hindi ako makatulog. Iniisip ko pa rin ang mga nangyari kagabi. Magkikita kami ngayon, sigurado ‘ko. Ibinili ko s’ya ng ticket sa concert na pupuntahan ko ngayon kasama ang barkada ko, at alam ko namang sapat ang hiya n’ya para hindi gamitin yun. Pero may alinlangan pa’rin ako.
     Buong araw ay s’ya lang ang hinahanap ko. Sa libo-libong tao na nandoroon ay s’ya lang ang hinahagilap ng mga mata ko. At ayun nga s’ya. Nakaupo sa gitna ng napakadaming taong nagsisiksikan sa mga bleachers. Nilapitan ko s’ya. Kinausap. Kadarating lang daw n’ya dito. Parang walang nangyari kagabi. Kumain na raw s’ya bago s’ya umalis ng bahay. Parang hindi mo’ko nasaktan. Sasabay na raw s’ya sa pag-uwi namin mamaya. Parang hindi mo ‘ko sinabihan ng mga masasakit na salita, leche.
     Pebrero. Bagong kilala. Exciting pa. Kahit na wala pang isang buwan nung una kaming nag-usap eh tila buong buhay na naming kilala ang isa’t-isa. Simula nung pinagkausap kami ni Faye nung araw na’yun eh alam na namin ang mga mangyayari. Alam na. Eto na’to. Nagsimula kaming mag-usap sa text, kinuha n’ya number ko kay Faye, at nagsimula rin kaming lumabas-labas. At simula nun ay hindi na kami napaghiwalay.
     Araw ng mga puso ngayon. Sobrang sweet namin, shet. Dapat manonood kami ng fireworks sa may MOA pero may mas maganda kaming balak. ;)
     Abril. Dito nagsimulang mawasak lahat. Isang araw, habang nakahiga kami sa kama ng mama n’ya (oo, iisa lang sila ng kwarto ng mama n’ya, cute), habang sinasabi ko sa kanya kung ga’no ko s’ya kamahal at kung ga’no ako magiging miserable ‘pag nawala s’ya at kung ga’no ko ibibigay ang lahat para sa kanya eh may sinabi s’yang nagpaguho ng mundo ko. Gusto lang daw n’ya maging honest sa’kin. Hindi raw n’ya ko mahal tulad ng pagmamahal ko sa kanya. Yun. Yun na ‘yun.
     Hindi responsibilidad ng taong mahal mo na mahalin ka rin n'ya. Minsan talaga isang direksyon lang ang pagmamahal. Sabi nga ni pareng J. M. Nespoli, “Unfortunately, loving someone doesn't obligate them to love you back.” Sapul!
     Nag-sorry si gago. Sabi n’ya ayos lang daw kung tigilan na namin yun dun kung gusto ‘ko. Sabi n’ya humanap nalang daw ako ng iba para daw hindi ako masaktan. Pero ayaw daw n’ya ‘ko mawala kasi masaya daw s’ya pag kasama n’ya ko. Sobrang close na daw kasi namin. Hindi daw n’ya alam gagawin. Ako rin, ‘di ko rin alam. Leche ka.
     Fun fact: Hindi ako iyaking tao. Pero sa siyamnapung araw na nakilala ko s’ya, limang beses na’ko umiyak. Lima. Kasing dami na ‘yun ng naging luha ko sa nakaraang walong taon kasama na ang pagluha dahil sa sibuyas at sipon pero nagawa n’ya yung palabasin sa’kin sa loob lang nga siyamnapung araw. Talent ‘yun.
     Pero nagsama pa’rin kami. Napagdesisyunan naming hindi muna kami maghihiwalay ngayon. Pero maghihiwalay kami balang araw. Haha, langya.
     Marso. Going strong. Lagi kaming magkasama. Halos sa kanila na’ko nakatira. Sa sofa kami natutulog, magkatabi. Kahit sobrang liit nun eh pinagkakasya namin mga sarili namin. Kahit na dalawa sofa nila eh pilit parin kaming nagsisiksikan dun sa sofa sa kanan. Masaya eh! Tapos lagi kaming kumakain sa labas, minsan nagsisine. Madalas kami manood ng mga pelikula sa bahay nila dahil napakadami nilang DVD. As in, madami. Masaya. Masaya pa.
     Mayo, pagkatapos ng concert. Nag-usap kami. Hindi muna s’ya umuwi. Wala pa’kong tulog mula nung araw bago ang concert. Alas dos ng umaga, nakaupo kami sa bench sa may city hall. Nag-umpisa ang usapan ng kaswal. Pero hindi na kami nagpaligoy-ligoy pa. Pinag-usapan na namin ang dapat gawin sa mga buhay na’min.
     Eto ang sitwasyon: 1) mahal ko s’ya higit pa sa lahat ng bagay sa mundo. Hindi ko alam kung pa’no nangyari ‘yun pero gano’n ko s’ya kamahal. Hindi iyon pagmamalabis. 2) hindi n’ya ko mahal tulad ng pagmamahal ko sa kanya. Sabi n’ya mahal n’ya daw ako pero hindi daw n’ya kaya ibigay sa’kin ang “siya”. Hanggang ngayon malabo pa rin sa’kin yun pero na-gets ko naman yung point. Hindi daw n’ya nahanap sa’kin yung hinahanap n’ya. Baka nasa Lost and Found pa. Haaay. 3) ayaw daw n’ya ko mawala. Ayaw ko rin s’ya mawala. Masaya daw s’ya pag kasama n’ya ko. Sobrang saya ko pag kasama ko s’ya. Ano ang dapat naming gawin?
     Dahil gago ako at baliw sa kanya, kahit magmuka akong tanga eh gumawa kami ng isang kasunduan. Ganito: 1) magsasama pa’rin kami tulad ng dati, pero wala na daw pressure. And by pressure, ibig sabihin n’ya eh dapat hindi ko s’ya pilitin na makasama ko s’ya habang panahon. 2) unti-unti akong lalayo sa kanya hanggang matutunan ko nang mabuhay na wala s’ya o hanggang sa tumigil na’ko sa pagmamahal sa kanya. Parang “fall out of love”. Hindi ko pa’rin alam kung pa’no gawin yun at lahat ng si-nearch ko sa google eh hindi gumagana. 3) pag may nagustuhan kaming iba eh ayos lang. Push lang daw. Makakatulong yun sa’kin na maka-move on at makakatulong ‘yon sa kanya na mahanap yung kung ano mang hinahanap n’ya na’yon.
     Bale ang labas eh anytime, pwede kaming “maghiwalay”. Kung sakaling isang araw ay may makilala s’yang mas gusto n’ya kaysa sa’kin, sasabihin n’ya lang at poof! Bye bye na. Ganun din sa’kin pero mukang hindi ko kaya yun. Mauuna s’ya. Sinusubukan ko, pero wala talaga. Iba tama ko dito. Iba, pre. Iba.
     “When love is not madness it is not love”, ‘ika nga ni Pedro Calderón de la Barca. Haaaaay...
     Hulyo, kasalukuyang panahon. Eto tumutupad naman kami sa kasunduan. Kahit na medyo nahihirapan ako dun sa parteng lalayo unti-unti. Kami pa’rin pero alam na namin ending neto. Araw-araw ay para ‘kong kinakain sa loob ng lungkot kasi alam kong sa bawat paglubog ng araw ay palapit nang palapit ang oras ng makikilala na n’ya ang papalit sa’kin sa buhay n’ya. Isa lang akong “transient” na boyfriend. Siguradong iiwanan. Siguradong papalitan. Pero tanggap ko. At least, yun ang sabi ko sa sarili ko. Kaylangan kong tanggapin. Kaylangan.
     Mahirap magsulat. Mahirap. Lalo na pag tungkol sa kanya. Hindi dahil mas mabilis ang utak kaysa kamay, kundi dahil hindi ko makita ang papel. Laging napupuno ng tubig ang mga mata ko, shet. Hindi ko mapigilan, kusa nalang umaagos. Kaya kung may nakita ka mang medyo sabog-sabog ng tinta sa papel na’to eh pasensya na. Nabasa lang ng luha ko yan, hindi ko na napansin. Pumatak na pala.


CZ

4 comments:

  1. ' liked it 'cause this is reality? Joke. Hahahaha. Patalon-talon ang oras(parang 500 days of Summer). Pero, basahin.
    (Mas mabilis din utak ko kaysa kamay). Lmao. :D
    #biglaan

    ReplyDelete
  2. I like this very much. :) <3
    Ang tyagang Transient BF. <3

    -Neko-chan

    ReplyDelete
  3. Marami akong gustong sabihin...
    Pero hindi yun yung point na gusto kong iparating sayo... 'eto...
    "Kilala man kita o hindi, hindi kita kakausapin tungkol dito, unless ikaw ang mag-open..., ang dahilan, alam kong hindi naman mababawasan ng mga salita ang sakit na nararamdaman mo. Isa pa, maaaring mabigyan kita ng ideya pero nasa iyo pa rin ang huling desisyon..."
    Maaaring maalat ang luha (oo, natikman ko na yun once), pero darating ang panahon na ang luhang ipinapatak ng iyong mga mata ay kasing tamis na ng mga ngiti ng mga taong minahal mo, mahal mo at mamahalin mo... at masasabi mong masarap din pala ang makatikim ng alat dahil hindi mo malalasahan ang tamis kung hindi mo muna ito natikman...

    -MusicLover

    ReplyDelete