Tuwing pumapasok ako sa pamantasan, isa lang naman ang sinasakyan ko, dyip.
Komportable ako dito kahit na pinag-aalmusal ako nito ng polusyon.
Isang beses nung sumakay ako rito papasok ng pamantasan, bakante sa may tabi ng drayber kaya doon na ako umupo. Pagkaupo ko humablot na ako agad ng aking ‘reviewer’ dahil hindi pa ako nakakapag-aral para sa exam namin. Ito ung tipikal na, ‘mahaba pa yung oras, idlip muna ako tapos pagkagising ko na lang ako mag-aaral’, tapos pagkagising mo ay umaga na. Pakshit diba?
Napansin siguro ni manong drayber na hindi ako mapakali sa pagbubuklat ng aking kwaderno.
“Toy”, ani manong drayber na nakatingin sa mga hieroglyphs sa aking papel.
“Ano ho yun, manong?”, sagot ko naman habang nakatingin pa rin sa papel ko.
“ Alam mo, pahalagahan mo yang pag-aaral mo; paglaanan mo ng oras. Hindi pwede yung papasok ka na lang para lang pumasa. Sa inyo nakasalalay yung magiging kinabukasan ng bansang ito. Isipin mo na lang yung mga taong kagaya ko na halos wala ng makain ay naglalaan pa rin ng pera para makapag-aral kayo dahil alam naming sa pamamagitan ninyong mga kabataang mag-aaral ay mas mapapabuti namin ang kalagayan ng bawat Pilipinong naghihirap”, mahinahong pagpapaalala sa akin ni manong.Napaisip ako sa mga sinabi ni manong kaya pagkababa ko ng dyip ay humarap ako sa kanya at nagpasalamat. Hiyang hiya ako sa sarili ko. ‘Di ko namalayan na ganito pala yung kakalabasan ng mga ginagawa ko at pagsasawalang bahala ko sa aking pagaaral. Nakasarado pa rin ang aking mga kamay, siguro dahil sa galit ko sa aking sarili. Binuksan ko ito para kunin ung ID ko sa bag. Putang ina hindi pala ako nakapagbayad ng pamasahe.
- John Carlo Cielo
The last line 's the best. Lol.
ReplyDelete#biglaan