Thursday, July 16, 2015

Entry # 5 Babae sa Likod ng Maskara: Isang Paggunita


 Babae sa Likod ng Maskara: Isang Paggunita

Little Apple

Naranasan mo na bang umibig? Yung tipong sumasaya ka, kinikilig ka, at halos mabaliw ka na sa bawat oras na nakikita mo siya. Ako kasi noon halos wala akong ideya sa pag-ibig. Aral sa loob ng bahay, aral sa loob ng paaralan at puro aral lang talaga kung saan saan. Kaboring noh! Sabi kasi ng mga nakapaligid sa akin, makakasira lang daw ng pag-aaral ko iyon at dahil sa ako’y nasa murang edad pa lamang, agad ko na itong pinaniwalaan. Subalit tila yata nagbago ang mundo ko nang simulang maranasan ko sa isang iglap ang kinakatakot kong mangyari, ang umibig.

Nagsimula ang lahat noong ako’y nasa ikaapat na taon ng high school. Sa pagkakaalala ko, Hulyo noon nang biglang naranasan ko ang isa sa mga hindi ko malilimutang pangyayari sa buhay ko. Kapag wala kasi kaming guro, nakahiligan ko na ang pagsasayaw ng Kpop at pag-upo sa malaking mesa na nasa bandang dulo ng silid-aralan. Subalit isang araw, medyo hindi maganda ang nangyari. Nang ako’y paupo na sa ibabaw ng mesa, bigla itong nagiba at ako’y tumilapon pababa.  Ang sakit, sobrang sakit talaga at nagalusan pa ang braso ko noon. At lalo pang nadagdagan ang sakit dahil tinawanan at inasar lamang ako ng mga nakasaksi imbis na ako’y kanilang tulungan. Halos nagsisimula ng tumulo ang aking luha dahil sa kahihiyan at takot, takot na maparusahan. Sa kabila ng patuloy na tawanan at pang-aasar, biglang may tila isang anghel ang humawak ng aking braso at saka ako’y kaniyang itinayo. Noong mga oras na iyon, napatulala na lamang ako sa sobrang pagkagulat. Hindi ko kasi inaasahan na ang sa tingin ko’y pinakasuplado sa loob ng klase ay ang siyang tutulong sa akin. Ako’y kanyang tinanong kung ayos lang ako habang ako naman ay payukong tumugon ng oo dahil na rin sa nahihiya ako. Bigla akong napatakbo sa CR upang hugasan ang galos ko at tumuloy na rin sa isang telephone booth na naroroon sa loob ng paaralan. Tinawagan ko ang aking mga magulang at aking isinalaysay sa kanila ang mga nangyari. Nang bumalik na ako sa loob ng silid-aralan, namataan kong wala roon ang anghel na tumulong sa akin. Lumabas ako ulit at nakita ko siyang may dalang pandikit ng kahoy at sabay iniabot sa akin. Nakita kong tagaktak ang pawis sa kanyang mukha at tila may bahid ng pag-aalala ang kanyang mga titig. Saka ko na lang nalaman na tinakbo niya pala ang store room upang humiram ng gamit at matulungan ako. Agad kong sinabi na ok lang kahit hindi na niya ako tulungan dahil tinawagan ko na ang aking mga magulang. Ganoon pa man, ako’y nagpasalamat pa rin sa kabaitan niya. Tila mali yata ako ng husga sa kaniya. Dapat pala hindi mo muna hinuhusgahan ang isang tao. Dapat kinikilala mo muna ito. First time ko lang kasi siyang maging kaklase noon dahil sa sistema ng paaralan namin. Nirarambol kami kada taon kaya’t iba-iba ang nagiging kaklase ko. Agad siyang bumalik ng silid-aralan at ako’y tila napangiti na lang bigla sa hindi malamang dahilan.

Buwan ng Agosto, kasagsagan noon ng bagyo. Halos bahain ang lahat ng lugar sa lungsod namin. May mga lugar na hanggang tuhod ang baha, at may iilang hanggang leeg umaabot. At isa sa mga naaapektuhan ng baha ay ang paaralan namin. Kasalukuyang nasa paaralan ako noon nang biglang sinuspinde ang klase. Palabas na ako noong ng paaralan ng namataan ko ang baha na hanggang tuhod. Nainis ako noon dahil sa lahat ng bagay na maiiwan ko tuwing tag-ulan, ay ang tsinelas ko pa. Tumawag ulit ako sa bahay upang magpasundo kina mama sa 7-11. Hindi ko na sila pinapunta sa paaralan dahil ayokong maabala sila dahil sa baha. Lumipas na ang mga oras, nandoon pa rin ako at naghihintay na tumila ang ulan. Lumipas pa ang ilang mga oras, unti-unti nang nauubos ang mga estudyante sa loob na halos bilang na lang kaming natitira roon. Binalak ko pang lumusong kahit na ako’y nakasapatos pa. Iniisip ko noon, para makauwi ay kailangan magsakripisyo. Ilang saglit lang biglang may tumawag sa akin. Pamilyar ang kanyang boses at nang lumingon ako, namataan ko ang isang maputing lalaki, chinito, nakataas ang buhok, may salamin sa mata, at tila kasing tangkad ko lamang. At sa hindi inaasahang pagkakataon, nakasama ko na naman siya. Siya na tumulong sa akin noong isang buwan at naging knight in shining armor ko. At dahil sa hindi ko siya ka-close, ito na siguro ang pangalawang pagkakataon na nakausap ko ulit siya ng matagal. Tinanong niya kung ano ang gagawin ko sa kasagsagan ng baha at sinabi ko lang na lulusong na lang ako. Pero hindi ko inaasahang aalukin niya ako na pasanin at siya na ang lulusong dahil siya naman ay may dalang tsinelas. Sinabi pa niya na masasayang lang ang pera kung bibili ako ng pamalit na sapatos. At dahil sa kagustuhan ko na ring umuwi, pumayag na ako sa kanyang alok. Biglang kumabog bigla ang puso ko, namula ng kaunti, at napayuko. Siyempre ikaw ba naman alukin ng ganun, hindi ka ba mahihiya. Habang siya ay naglalakad na pasan ako sa likuran niya at ang kanyang bag sa harapan, biglang bumilis lalo ang tibok ng puso ko. “Dug-dug, Dug-dug”, iyan ang paulit-ulit na ugong ng puso ko. Nilakad niya ang bahang lugar habang kami ay nagkukwentuhan. Kahit na ako’y nasa likuran niya, nakikita ko pa rin ang cute niyang ngiti at ang kanyang mala-Richard Yap na mga mata. Nang makarating na kami sa labasan, agad na kaming sumakay ng jeep at tinuloy pa rin ang pagkukwentuhan at dahil doon tuluyan na kaming naging close sa isa’t isa. Bukod pa roon, unti-unti na akong humanga noon sa kanya. 

Lumipas ang ilang buwan, lalo pa kaming naging close. Magkasama kumain, magkasabay mamasyal, at magkasabay umuwi. Kahit na may crush ako sa kanya, hindi ako naiilang kasi crush lang naman eh, simpleng paghanga. Pero minsan nga nalilito ako kung ano na ang nararamdaman ko sa kanya. Sa palaaral at GC na tulad ko, bihira kasi sumagi ang mga ganoong usapin. Hinayaan ko na lang iyon at inisip ko na lang na masaya ako sa tuwing kasama ko siya. Isang pagkakataon noon, nagkaroon ng Fun Run sa Maynila na karaniwang dinadaluhan ng iba’t ibang paaralan at organisasyon. Sumali kami upang magkaroon ng experience sa mga ganoong event. Umaga kami gumising noon at sabay kaming pumunta ng Maynila lulan ng LRT. Pag-akyat namin sa istasyon, dumulog na ang napakaraming tao. Halos dikit-dikit at nagsisiksikan ang mga nasa loob. Kahit na masikip, sumakay na kami upang umabot kami sa oras. Sa pagpasok namin, hindi ko aakalain na matutulak kami hanggang sa nagkadikit na ang aming katawan sa sobrang sikip. Halos nakayakap na ako sa kanya at sa kaunti at maling galaw ng ulo ay maaari nang magdikit ang aming mga labi. “Dugudug, Dugudug, Dugudug”. Hindi pamilyar ang ganoong tunog. Sa sobrang bilis ng pagtibok, kasimbilis na ito ng tumatakbong kabayo. Hindi ko na alam ang nangyayari. Halos naghahalo-halo na ang emosyon ko. Habang tumatagal na ganoon ang posisyon namin, nararamdaman ko ang bawat paghinga niya at halos hindi ako makagalaw. Bigla akong nagsorry sa kanya subalit bumulong siya sa akin na ok lang daw siya at hayaan na lang namin. Sa pagbulong niya, tila kinuryente ako sa sobrang kilig. Namumula na ako at unti-unti nang nawawala sa sarili. OMG! Kilig na kilig talaga ako. Nahalata niya kaya ang tibok ng puso kong halos nakadikit na sa dibdib niya? Nangangamba ako. Ang hirap ng sitwasyon ko. Kaya noong nagsimula ang fun run hanggang sa pag-uwi namin, isang bagay lang ang gumagambala sa mura kong pag-iisip. In love na ako sa kanya. 

Noong mga sumunod na araw, hinding hindi talaga ako mapakali. Sa panaginip ko, siya ang nakikita. Sa pagpasok, siya pa rin. Naku! Ano na ang nangyayari sa akin? Pero alam niyo, masaya talagang maranasan ang magmahal. Yung tipong lalo kang ginaganahang mag-aral dahil sa nagiging inspirasyon mo siya. Yung feeling na bida kayo sa isang teleserye at may forever. Oo nga pala, pagkaraan ng isang linggo, ipinagdiwang namin noon ang Girls and Boys Week. Ako ang napili bilang student teacher ng asignaturang MAPEH samantalang siya naman ang napili para sa asignaturang Physics. Noong kasagsagan ng pagdiriwang, napagisip-isip ko kung sasabihin ko na sa kanya ang nararamdaman ko. Hindi ko na kasi kayang itago. Gusto ko nang malaman kung ano ako sa kanya at ang magiging reaksyon niya. Ano kaya? Ang paulit-ulit na tanong ko sa aking sarili. Bawat araw na lumilipas, kinikilig ako ng sobra. Minsan kasi kapag wala siyang klase, pumupunta talaga siya sa klase ko para makinig. Oh diba! Kilig to the bones talaga at super nakakainspire talagang magturo sa harapan. Minsan nga kapag gumagawa ako ng visual aids, nandoon siya at handang tumulong. Diba, ang sweet niya. At lalong bumibilis ang tibok ng puso ko sa bawat paghawak niya sa aking kamay para lang hilahin ako papuntang kantina at kumain doon. Feeling ko tuloy, may gusto siya sa akin pero mahirap kasing umasa. Pero paano kung meron nga? Isang paraan lang ang pwede kong gawin para masagot iyon. At iyon ay ang magtapat sa kanya. Dumating na ang huling araw ng pagdiriwang, halos abala ang lahat sa paghahanda. Habang ako ay naglalakad pababa ng hagdan, nagkataon naman na siya ay paakyat din. Ito na ang chance ko para sabihin sa kanya kaya walang ano-ano ay bigla ko na lang isinigaw na mahal ko siya. Bigla akong nahiya. Bakit ko kasi nasabi agad agad ang mga matatamis na salitang iyon. Tumakbo ako pababa sa sobrang kaba. Noong araw na iyon, hindi kami sabay umuwi. “Ano na ang gagawin ko?”, tanong ko sa aking sarili.

Sa mga sumunod na araw, halos hindi kami nagkikibuan. Nagkaka-ilangan kami at kumbaga’y nawala ang closeness namin sa isa’t isa. Ako kasi ang may kasalanan eh. Nagpahayag ako ng aking tunay na nararamdaman sa hindi inaasahang pagkakataon. Halos ganoon lagi ang nangyayari sa amin sa paglipas ng isang buwan. Isang araw, naglakas loob akong kausapin siya. Tulad ng ginawa ko sa pagtatapat ko, agad kong sinabi sa kanya na ibigay niya ang sagot sa akin sa darating na JS Prom. Matapos kong ipahayag ang mga salitang iyon, agad na akong tumakbo pabalik ng silid-aralan. Nang sumapit na ang JS Prom sa paglipas ng dalawang linggo, nagsimula nang magunaw ang aking mundo. Sa gabi kasing iyon, may iba siyang kasama. Isang napakagandang babae na nasa ikatlong taon na. Isa siya sa mga naging estudyante niya sa kasagsagan ng Girls and Boys Week. Napakaganda ng mga mata niya at halos lahat ng kalalakihan ay gusto siyang maisayaw. Medyo kumirot ang puso ko. Nagkaroon yata ng lamat. Lumipas ang mga oras natanaw ko silang sweet sa isa’t isa. Nasa pareho kasi silang mesa at nagsusubuan ng salad. Ang sakit sa mata ay hindi,  sa puso pala. Lalo tuloy lumaki ang lamat. Aray! Ang sakit sakit. Para maibsan ang aking kalungkutan, idinaan ko na lang iyon sa pagkain ng tsokolate. Kahit papaano, naenjoy ko naman ang gabi. Nang biglang natapos ang seremonya, nagsimula nang magsayawan ang lahat. Mapahip-hop, mapa-kpop, at kung ano-ano pa. Nandoon lang ako sa isang tabi habang pinapanood silang sumasayaw. Nagseselos ako ng sobra kasi iniisip ko na sana ako na lang siya. Sa kasamaang palad, biglang tumugtog ang isang love song na may pamagat na “My Valentine”. Muntik ko nang mabitawan ang iniinuman kong baso nang makita ko silang magkayakap at sweet sa isa’t isa. Napatulala na lamang ako at hindi ko namamalayang bumubuhos na ang luha sa aking mga mata. Tuluyan nang nabasag ang puso ko. Bakit? Bakit ang sakit? Arrraaaay! Sigaw ng umiiyak kong puso. Tila alam ko na ang sagot sa tanong ko. Hindi ko na kailangang lumapit at kunin sa kanya ang sagot. Halos hindi ako makapag-isip ng maayos na daig ko pa ang lasing kahit hindi naman ako uminom. Habang pinapanood ko silang dalawa, iniisip ko na lang na para akong nanonood ng isang korean drama, maibsan lang ang sobra-sobrang sakit na aking nararamdaman. Naisipan ko nang hindi tapusin ang event at ako’y umuwi na. Habang papauwi, sinimulan kong ikumpara ang sarili ko sa babaeng iyon. Maganda siya samantalang ako’y hindi. Babae siya samantalang ako’y isang babaeng nakamaskara. Maskarang nakadikit na simula pa noong ako’y isilang. Maskarang kayhirap baguhin na sumasalamin ng aking pagkakakilanlan. At ang maskarang iyon ay ang aking kasarian. Hindi man naging maganda ang mga naranasan ko sa aking unang pag-ibig, ako’y nagpapasalamat pa rin. Nagpapasalamat dahil naging malinaw sa akin kung ano ako. At nais kong isigaw sa buong mundo na proud ako kung sino ako.

3 comments:

  1. Sa una pa lang ay mapapatanong ka na sa pamagat ng istoryang ito na nabigyang linaw naman sa huli. Mahusay ang pagkakasulat at gumamit ng mga salitang maiintindihan ng mga kabataan sa panahon ngayon. May ilang mga kailangang ayusin gaya ng mga tuldok, kuwit, at iba pa. Kakaibang tapang at lakas ng loob din ang ipinamalas ng may akda dahil sa pag-amin nya sa isang bagay na alam nyang maaari syang husgahan ng iba. Hanga ako sa iyong ginawa! Ipagpatuloy ang pagsusulat at maaabot mo rin ang tagumpay balang araw

    ReplyDelete
  2. Shtsss. 'Di ko inasahan, pero... Nakakakilig! Hahahaha. I love the plot twist. Nice one, -------. :)
    #biglaan

    ReplyDelete
  3. Aish. Nakakainggit! Sarap burahin nito! Hahaha. Peace mark!

    -lyndz

    ReplyDelete