Thursday, July 16, 2015

Entry #10: Kaibigan

Hindi ninyo alam ang mga bagay na ito:

Masaya ako tuwing kasama ko kayo. Masayang-masaya. Nalulungkot kasi talaga ako sapagkat malayo ako sa aking pamilya. Pakiramdam ko wala akong kasama, na nawawala ako. Nasanay akong mag-isa ngunit dahil nandyan kayo, napagtanto ko na masarap pala ang magkaroon ng mga taong handa kang samahan.

Natutuwa ako sa tuwing nagsisikap kayong mapatawa ako sa tuwing may problema ako. Hindi kasi ako yung tipo ng taong nagsasabi ng problema sa iba. Kung baga, ayoko na magbigay-pasakit pa sa iba. Sa tuwing may problema ako, mag-isa lamang ako kaya natutuwa ako sa tuwing may mga taong gumagawa ng kahit maliliit na bagay para sa akin. Pakiramdam ko, mahalaga ako kahit na napakawalang kwenta kong tao.

Nasasaktan ako sa tuwing nakikita kong may problema kayo. Tila nararamdaman ko rin yung sakit na ikinukubli ng mga mata ninyo. Kaya kadalasan, lagi ko kayong pinapatawa o inaasar. Nais ko kasing malimutan ninyo ang mga problema ninyo at masilayan ang mga ngiti na gumuhit sa inyong mga labi kahit na isang saglit lamang.

Nalulungkot ako sa mga pagkakataon na hindi ninyo ako naiintindihan. Mahirap din kasi akong intindihin. XD Minsan din hindi ko kayo naiintindihan, ngunit sinisikap kong intindihin kayo sa abot ng aking makakaya. Ayoko kasi na magkaroon ng lamat ang ating samahan dahil sa simpleng hindi pagkakaintindihan. Ganoon ko kayo kamahal.

Bagamat may mga pagkakataong ganoon, nasisiyahan pa rin ako sa tuwing maaalala ko ang mga pinagdaanan natin sa loob ng mahigit dalawang taong pagsasama. Maraming field trips, outdoor activities, overnights sa mga bahay, mga kaarawang magkakasama nating nasaksihan, mga iyakang sabay nating nalagpasan at mga biglaang get-togethers na rin tayong magkakasamang napagdaanan.
Magkakasama tayong lumuha, nasaktan, at bumangon. Magkakasama tayong natuto.
Napapaiyak din ako sa tuwing naaalala ko ang mga ito. Masyado man akong  sentimental, ngunit ang mga luhang tumutulo sa aking mga pisngi ay luha ng kagalakan, sapagkat masaya akong nakakasama ko kayo. Hindi nasayang ang mga isinasakripisyo ko sapagkat nariyan kayo.

Higit sa lahat,

Mukha man akong walang pakialam sa inyo, nag-aalala pa rin ako. Mukha man akong baliw dahil nagpapatawa pa ako sa panahong tila may problema kayo, nahihirapan din akong isipin kung paano ko kayo mapapangiti. Mukha man akong tanga sa tuwing kinukulit ko kayo, iyon ay dahil sa nais ko mabawasan kahit paano ang inyong dalahin. Hangga't maaari, nais kong gumawa ng mga bagay na ikakabawas ng sama ng loob ninyo.

Iyon ay dahil sa masaya na ako masilayan ko lamang ang mga matatamis na ngiti sa inyong mga labi. Maulinigan ko lamang ang inyong mga tinig, natutuwa na ako. Sapagkat mahal na mahal ko kayong lahat anuman ang mangyari.

Montenegro, Mary Joy C.

1 comment: