Sunday, July 19, 2015

When I Grow Up


Hi everyone. Isa nga pala akong estudyante sa paaralang Pamantasang Normal ng Pilipinas na nagpapakadalubhasa sa kursong Physics for Teachers. Naririto ako dahil may nais akong ikumpisal at nais ibahagi na parte ng buhay ko. This is how it goes…
Sa buong buhay ko, simula pagkabata, hinangad ko na ang yumaman. Paano ko nasabing simula pagkabata? Simple lang. Pinangarap ko noon na maging isang nurse dahil napanood ko sa balita na mataas daw ang sahod ng mga ito. Pinangarap ko din ang maging scientist noon dahil sa pagkakaalam ko ay malaki ang nakukuhang incentives ng mga ito sa bawat imbentong nagagawa nila. Higit sa lahat, sa tuwing tatanungin ako kung anong pangarap ko sa buhay, ang laging kong sinasagot ay mga propesyong alam kong magdadala sa akin sa pagyaman. Oh diba? Ang tanong, bakit pagtuturo ang kinukuha kong kurso ngayon?
Ang pagtuturo, tawag nga nila ay noble profession, ay isang propesyon kung saan ay hindi ka yayaman. Hindi lingid sa akin ang bagay na ito. Sa katunayan nga, hindi ko naman talaga gustong maging isang guro at kahit sa panaginip ko hindi ko man lang naisip na magiging guro ako pero mapaglaro talaga ang tadhana. May nakarating sa school namin na isang notice galing sa DOST na nagsasabing mayroon silang programa na tumatanggap ng mga scholars at dahil ako ang top 1 sa klase namin, ako ang nakakuha ng opportunity para i-take ang scholarship examination . Laking gulat ko ng malaman ko na nakapasa ako sa exam kaya naman dali-dali kaming lumuwas papuntang Lucena para sa contract signing. Maayos na sana ang lahat kung hindi lang masyadong mahigpit ang DOST-QUEZON pagdating sa admission slip. Kinakailangan na bago kami makapagcontract signing ay dapat enrolled na ako kung saang school man ako papasok kaya sa pagmamadali namin ay ipinasok na lang ako ni papa doon sa PNU dahil hindi na namin kailangang mga scholars na magtake ng entrance test para makapag-enroll. Hindi ko naman talaga hate na hate ang pagtuturo, iyon nga lang, contradict ito sa pangarap ko. Kahit ang first choice ko na architecture ay hindi rin naman ganoon kastable ang sahod. Dahil siguro hindi ko pa alam kung anong balak ko kaya ginagrab ko na lang lahat ng opportunities na makita ko.
So ayun na nga. Habang nag-aaral ako, unti-unting lumilinaw sa akin kung ano ba talaga ang gusto ko sa buhay. Narealize ko na isa lang pala akong bored na tao na naghahanap ng konting spice sa buhay at hindi lang basta pagyaman ang gusto ko. Sa ngayon, medyo nasort ko na kung anong balak ko at ito ay tinatawag kong THC – Travel… Home… Country.
Travel. Isa sa major na pangarap ko sa buhay ay ang makapagtour around the world especially sa Japan. High school pa lang ako namangha na talaga ako sa Japan. I admire how advance its technologies are and how discipline its people is. Moreover, I’m totally captivated with the spring season happening there kung kailan namumulaklak ang kanilang cherry trees. It’s so magnificent though nakikita ko lang ang mga ito sa pictures at animes.
Home. Isa pang major goal ko in life ay ang makapagtayo at makapagdisenyo ng sariling kong bahay sa isang payapa at hindi polluted na lugar. Simula bata ay inlove na talaga ako sa arts, arts lang ang parang walang pakialam sa akin. May konti akong talent pero it’s not enough para magkaroon ako ng confidence na ipursige ang pagpapakadalubhasa sa larangang ito kaya nananatiling frustration na lang ito na balak kong tuparin pagdating ng tamang panahon para naman hindi ako umabot sa despair stage ng psychosocial development theory ni Erickson. Hehe. Kailan at paano ko ito matutupad ay hindi ko pa napagpaplanuhan.
Country. Isa akong taong malaki ang malasakit sa kanyang bayan. Ang pinakamalaki at pinakamahirap na major goal ko sa buhay ay ang makapagcontribute ng kahit ano para sa bansang Pilipinas patungo sa kanyang pag-unlad at pag-asenso. Naniniwala ako na hindi naman kailangan ng isang tao na maging presidente para makatulong sa bansa pero iba pa rin kapag may kapangyarihan ka na pinanghahawakan. Naisip ko na imbes na maging presidente ako, bakit ‘di na lang ako manirahan sa mga lugar na alam kong pinakamalala ang kahirapan at subukang ibangon ito at paunlarin. Bilang isang guro, maaari akong magturo sa mga batang hindi nakakapag-aral ng libre tuwing weekends at bakasyon nang sa gayon ay magkaroon ang mga ito ng edukasyon at tamang konsepto ng ethics. Pero syempre limitado ang magagawa ko kaya naisip ko rin na maging pinuno ng lugar na ganito ang kalagayan sa buhay. Bilang isang pinuno, hindi lingid sa akin na ang numero unong problema ng bansa ay ang kawalan ng trabaho kung kaya kung sakali man na matupad ko ang balak na ito ay ang una kong pagtutuunan ng pansin ay ang pagbibigay ng sapat na trabaho at susunod na ang lahat ng mga dapat na gawin. Ang pangarap na ito ay alam kong almost impossible na para sa akin pero nais ko pa ring gumawa ng paraan na kahit hindi man ako ang tumupad nito ay may naiambag man lang ako.
Napakarami ko pang pangarap sa buhay at alam kong hindi sapat ang buong buhay ko para matupad ko itong lahat kaya naman sinosort ko na kung ano ba ang pinakamatalinong hakbang para matupad ko man lang kahit iyong mga major goals ko lang at sisimulan ko ito sa pagtatapos, pagpasa sa LET, at pagtatrabaho.
Sinabi ko man na hindi naman talagang pagyaman ang pangarap ko, pero aminin man natin at sa hindi, kailangan ko ng malaking malaking halaga ng pera para matupad ko itong lahat kaya masasabi pa rin na ang goal ko talaga ay ang yumaman. Sabi nga nila, “Money makes things go around” so without it I’m hopeless.
Sa lahat ng makakabasa nito, sana isa sa inyo ang kagaya ko na naghahangad ng hindi lang pagyaman ng sarili kundi pati ng kanyang kapwa at bansa. Maraming salamat sa inyong matyagang pagbabasa at sa susunod muli. 

-Alyssa Rey Talabong
heart emoti
c

Buhay Kolehiyo

Para sa mga mambabasa:

Ang inyong lingkod ang pangunahing tauhan ng inyong mababasa. Ang ibang mga tauhan ay binigyan ng ibang mga pangalan para maitago ang kailang mga katauhan.

-Awtor

------------------------------------------------------------------------------------------------------------

Alas syete ng umaga, agad na akong bumangon at naghilamos. Tinatamad man ay nagmadali na akong kumain at naligo para maabutan ang pagdating ng bus ng bandang alas otso.

Nakakapanibago naman, naisip ko. Ang bilis dumating ng bus; wala pang alas otso nang lumabas ako ng iskinita namin ay nakasakay na agad ako. Swerte din dahil may upuan pa sa bandang likod ng bus. Umupo ako sa gawing kanan, tumabi sa isang lalaking naka-earphones at naka uniporme na may logo ng isang sikat na pamantasan. Bago ako nakaupo ay tumayo ang lalaki at pinaupo ako sa tabi ng bintana. Pasasalamatan ko sana siya dahil ngayong umaga ay gusto ko talagang maupo nang kumportable sa tabi ng bintana pero hindi na din ako nakapagsalita nang makaupo ako. Nagbayad ako sa kundoktor ng Php 34.00 para sa pamasahe ko hanggang Kalaw. 

Paminsan minsan ay napapatingin ako sa lalaki. 

Hi, salamat pala sa pagpapaupo. Gusto ko kasi talaga sa tabi ng bintana. Ako nga pala si Nicole. Sa TUP ka pala pumapasok? Aba, tingnan mo nga naman, magkapitbahay pa tayo. Haha. Uh, anong pangalan mo?

Ay teka, ano ba naman ito, nakatitig na ako dito sa lalaking to at kung ano ano pa ang naiisip kong sabihin. Bago pa man ako makagawa ng kahihiyan ay binaling ko na lamang ang atensyon ko sa tanawing nakikita ko sa may bintana. Nagulat ako nang nasa may Tolgate na pala kami. Walang traffic at tila tuloy tuloy ang byahe ko pa-Maynila ngayon. Sumandal ako sa may bintana at hindi ko namalayan na nakatulog na pala ako. 

"Miss? Malapit na tayo sa Kalaw. Diba dun ka din bababa?"

Agad kong iminulat ang mga mata ko nang marinig ko ang boses ng isang lalaki. Siguro ginigising na ako nitong kundoktor, pagtingin ko sa bintana ay nasa UN Avenue na nga kami at malapit na ang bus stop sa Kalaw. Lumingon naman ako sa gawing kaliwa at nakita kong magkatabi pa din kami nung lalaking nagpaupo sa akin kanina sa tabi ng bintana. Ngumiti siya at nagsalita.

"Akala ko hindi ka magigising agad. Mabuti pala at hindi kita iniwan dito, kundi nasa Avenida ka na ngayon. Haha. Oh, bus stop na pala. Tara."

Hinawakan niya ang braso ko at sabay kaming bumaba ng bus. Dahil sa HRD ang klase ko ng Heat and Thermodynamics, sabay pa din kaming naglakad sa may sidewalk. Medyo awkward dahil ni hindi ko siya matingnan nang diretso habang hawak hawak niya pa din ang kaliwang braso ko. Alam niya kayang tinitingnan ko siya kanina? Teka, bakit ba hawak nitong lalaking to ang braso ko?

"Uh, salamat pala. Pwede mo nang bitawan yung braso ko."

Napatigil siya sa pagalalakad at tumingin sa akin. Ngumiti siya at binitawan ang braso ko. Ngumiti ako bilang tugon at pumasok na sa gate ng HRD, nagpacheck ng bag sa guard at dumiretso sa clasroom. Doon ay naabutan ko ang mga kaklase kong may kani-kaniyang mga kumpulan; may mga nagkakantahan, mga nagrereview, mga natutulog atbp. Bago ako umupo sa aking puwesto ay nakatanggap muna ako ng isang halik sa labi mula sa aking EX-boyriend na ngayon ay kadarating lamang. Oo, Ex-boyfriend ko na siya pero parang may relasyon pa rin kami kung magturingan. Medyo magulo pero hayaan nalang natin dahil mahabang istorya kung iku-kwento ko pa. Itago nalang natin siya sa pangalang Bane (Beyn).

Saktong alas dyes ng umaga nang pumasok ang Professor. Agad kong inilabas ang aking kwaderno at bolpen para sa pagsusulat ng lecture habang nakikinig. Nararamdaman kong unti-unti ng nagsasalubong ang mga kilay ko dahil sa mga letra at numerong kinokopya ko mula sa white board at siya namang ine-explain ni Sir. Isang malalim na buntong hinigna na lamang ang nagawa ko matapos ang tatlong oras na sakit sa ulong asignatura. Isang oras pa, sabi ko sa sarili nang maramdaman kong kumalam ang aking sikmura. Gutom na ako, pero may isa't kalahating oras pa para sa next subject bago ang lunch break. Konting tiis pa, makakakain din ako.

Sa wakas ay natapos din ang isa't kalahating oras ng sermunan at stress. Sa araw araw na ginawa ng Diyos, sa subject lang niya ako sobrang inaantok at nabo-bore. 

Napagdesisyunan naming lumabas ni Bane para kumain sa isang karinderya. Umorder ako ng gulay at kanin at siya naman ay adobo at dalawang kanin. Taliwas sa madalas naming kinagisnan, tahimik atwalang nagsasalita habang kumakain kami. Paminsan-minsan ay nagkakatinginan kami ngunit umiiwas ako kaagad sa hindi ko mawaring dahilan.

Pagkatapos naming kumain ay bumalik na kami sa PNU. Ilang oras pa bago ang susunod na subject kaya napagpasyahan namin ni Bane na magpunta ng Veranda at matulog. Hindi naman ako nakakaramdam ng antok kaya sinamahan ko nalang siya at naglaro sa cellphone habang siya'y binabantayan. Medyo boring na ang atmosphere makalipas pa lamang ng ilang minuto. Bibitawan ko na sana ang cellphoone ko at pipiliting matulog nang may unknown number na nagtext sa'kin.

"Jagiya, let's see each other again later. ;)"
"Huh? Who's this?", reply ko. At Jagiya talaga ang sabi ha?
"Ash, yung kasabay mo kanina. I bet magkakasabay ulit tayo. ;)"

Nakakaasiwa kaya hindi ko nalang ulit nireplyan. Delete convo na din para di ako ma-tempt na itext siya. Mahirap na, baka ma-divert ang atensyon ko; mayroon pa akong taong gustong makuha ulit.

Huling subject na, medyo may energy pa din naman ang mga classmates ko. Ewan ko ba kung bakit pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Siguro dahil 'di ko pinilit matulog kanina.

"May problema ba?"
"Ha? Wala. May iniisip lang ako."
"Ano nga?"
"May kasabay ako kanina sa bus, di ko alam paano niya nakuha yug number ko. Nagtext siya sa'kin kanina. Hindi ko nalang nireplyan."
"Aww chicks. Wag mo na isipin yun."

Hinawakan ni Bane ang kamay ko at marahan niya itong pinisil. Agad akong napangiti sa kanyang ginawa na parati niyang ginagawa noong kami pa para mawala ang mga sagabal sa isip ko. Tumingin ako sa kaniya at agad naman siyang gumanti ng isang matamis na ngiti.

Natapos ang klase at ihahatid na daw ako ni Bane at ng kaniyang kaibigan sa sakayan ng bus. Bago kami makarating ay nanglibre muna ako ng squidballs at kwek-kwek para hindi naman kami magutom sa gitna ng mahaba naming byahe.

Pagdating namin sa sakayan ng bus, nagkaroon kami ng kaunting kwentuhan at tawanan. Ilang minuto lang ng pag aantay ay may dumating na bus pa-Cavite City. Agad akong nagpaalam sa aking mga kasama, humalik kay Bane at saka hinabol ang noon'y walang gaanong sakay na bus sa pag-asang may matitirang mauupuan.

Kung sinuswerte ka nga naman, isang upuan na lang sa likod, gawing kanan ng bus ang natitira. Hindi na ako nagpatumpik tumpik pa at agad na akong naupo. Napabuntong hininga ako nang dumampi sa aking balat ang hangin ng aircon na noon'y nakatapat sa akin. Nang medyo mahimasmasan ay inabot ko ang aircon para ibaling ito sa ibang direksyon. Nang inaayos ko ang aking upo ay napalinga ako sa aking kanan. Hindi ako maaaring magkamali, ito si Ash, yung lalaking kasabay ko kanina. Sa tagal ng aking pagtitig kay Ash, hindi ko na namalayan na nakangiti na pala siyang tumitingin sa akin.

"Isn't it nice having a reserved seat? Feeling comftable?"

Sa halip na sumagot ay tumungo na lamang ako at kunwari'y nagcheck ng cellphone kong 10% na lang pala ang battery.

"May itetext ka ba? May load naman ako."
"Ah, wala. Nagchecheck lang ng---"
"Maaga pa naman eh. Tama lang ang oras ng uwi mo, 7:57 pa lang."

Kanina pa itong lalaking 'to ha. Kapag hindi ako nakapagtimpi, tatayo na talaga ako at pauupuin ko tong lalaking nakatayo.

"Bakit alam mo kung anong oras ako umuuwi?", sabi ko nang hindi tumitingin sa kanya.
"Kasi palagi tayong magkasabay?"
"Ngayon lang kita nakita. Paanong mangyayari na palagi tayong magkasabay?"
"Hindi mo lang pinapansin kasi hindi naman mahalaga sa'yo kung andito ako o wala."

At talagang humuhugot pa 'tong taong ito. Medyo nag uusok na ang tenga ko sa lalaking ito kaya kumuha ako ng tubig sa bag at ininom ang natitirang tubig sa aking tumbler. Saktong pagkasara ko ng takip ng tumbler ay nagsalita si Ash.

"Bakit 'di mo pa palitan yang ex mo? Tingin mo ba mahal ka pa niya?"
"Teka nga ha, unang una hindi ko alam kung bakit mo ako kilala, pangalawa hindi ko alam kung paano mo nakuha ang number ko at panghuli, huwag mong pakialaman ang personal na buhay ko. Hindi kita kilala at lalong hindi mo ako kilala."
"Woah, woah chill. Unang una, elementary palang kilala na kita. Naalala mo yung tinapunan mo ng chocolate ice cream kasi tinawag kang mataba? Oo, ako yun. Pangalawa, nasa ID mo yung number mo. Pangatlo, hindi ko maiwasang hindi mangialam dahil may pakialam ako sa'yo. Matagal na kitang gusto at matagal na akong nag antay."

Napalunok nalang ako sa sinabi ni Ash. Hindi ako makapaniwala sa mga sinabi niya. Isa pa, batang tinapunan ng ice cream? Parang wala naman sa history ko yun. Pinaglololoko lang ako ng taong 'to.

"Wala akong naaalalang may tinapunan ako ng ice cream."
"Okay fine, wag mo nang alalahanin."

Hinawakan ni Ash ang kamay ko nang mahigpit at bigla siyang tumayo.

"Kuya, para na po. May nakalimutan lang kami."

Napatingin ako kay Ash at ngumiti lang siya. Bumaba kami sa may Baclaran at pumasok sa Jollibee.

"Anong ginagawa natin dito? Hoy, kanina mo pa ako hinihila. Alam mo, dapat ngayon patawid na ng Coastal yung bus! Ano ba!"

Pinilit kong magpumiglas sa kamay ni Ash pero hindi niya ito binibitawan.

"Miss, isang spaghetti with chicken. Ikaw babe?"

Hindi ako sumagot sa halip ay sumimangot ako at umirap.

"Hirap ng girlfriend na malakas ang moodswings. Uh, ganoo'n nalang din sa kanya Miss."

Nang naka order na si Ash ay hinila niya ako sa isang lamesa malapit sa entrance. Binitawan niya na ang kamay ko kapalit ng pakikipag usap ko sa kaniya. Ilang sandali pa ay dumating na ang pagkain. Binilisan ko lang ang pag kain at agad akong tumayo.

"Saan ka pupunta?"
"Ha? Sa CR."
"Samahan kita."
"Nababaliw ka na ba? Ayoko."

Dali-dali kong kinuha ang bag ko at mabilis na naglakad papuntang CR. Naghilamos agad ako pagpasok ko para mahimasmasan ako sa mga nangyayari. Si Ash ngayon ko lang siya nakita, ang wierd ng mga ikinikilos niya. Paano ako makakaalis nang hindi niya ako nakikita? Wala na halos tao dito sa Jollibee at mukhang pasara na sila dahil mag a-alas nueve imedya na.

Nakatingin pa rin ako sa aking repleksyon sa salamin nang bilang bumukas ang pintuan ng CR at pumasok si Ash.

"What the fuck? Anong ginagawa mo dito? Ladies' room 'to!"

Hinila ako ni Ash at niyakap nang mahigpit. Pilit akong nagpumiglas pero lalong humihigpit ang kanyang pagkakayakap sa'kin.

"ANO BA! BITIWAN MO 'KO!"
"WAG KANG MAINGAY!", sabi ni Ash matapos akong sampalin nang malakas na naging dahilan ng aking pagbagsak sa noon'y bagong linis na tiles.

Ni-lock ni Ash ang pintuan ng CR at muli niya akong nilapitan.

"AKIN KA LANG.NAINTINDIHAN MO?", bulong niya matapos niyang halikan ang pisngi at tenga ko.

Nang makahanap ng tiyempo ay nasipa ko si Ash sa kanyang gitna. Natumba siya at napabaluktot sa sakit kaya nagkaroon ako ng tyansa na makuha ang cellphone ko. 7 messages. Limang pare-parehong text mula kay Mama at dalawa naman mula kay Bane.

"Nicole, nasa'an ka na? 10pm na."-Mama
"Maman, san na ikaw? Nasa bahay na po ako."-Bane
"Maman? Nag aalala po ako sa'yo. 'Di ka nagtetext. Saan ka na po? Text mo po ako agad ha. I love you, Maman. :3"-Bane

Habang tumutulo pa rin ang aking luha ay agad kong nireplyan si Mama.

"Ma, traffic po eh. Nasa coastal palang po ako."

Nakabaluktot pa din sa sakit si Ash sa may pinto kaya nagawa ko pang matawagan si Bane.

"Hello... Beb... help me... N... nasa Jo---"
"ANONG GINAGAWA MO HA?"

Lalong lumakas ang aking mga hikbi nang makuha ni Ash ang cellphone ko at ilapag niya ito sa may lababo.

"SABI KO SA'YO DIBA AKIN KA LANG? NGAYON, IPARINIG MO SA EX BOYFRIEND MO NA AKIN KA LANG!"
"AYOKO! HAYOP KA! BEB! PLEASE! TULONG!"

Naririnig ko ang nagpapanic na boses ni Bane sa kabilang linya habang pinipilit akong halikan ni Ash sa ibat ibang parte ng aking batok. Hindi matigil ang paghagulgol ko sa ngayon ay nangyayari sa'kin.

Kumakalabog ang pinto at pilit itong binubuksan nga mga crew. Lalo akong nagpumiglas at nilakasan ko ang aking bawat sigaw para malaman nilang gusto ko nang makalabas sa impyernong aking kinalalagyan. Umaawang na ang pintuan at nakikita ko na ang mga tao sa labas. Isang malakas na sipa ng crew ay pilit na bumukas ang pintuan.


"NICOLE! ANO BA! AKALA KO BA ALAS SIYETE ANG TIME MO? ALAS SAIS NA NAKAHILATA KA PA DIYAN! BANGON NA! 'DI KA NANAMAN PAPASOK NG FIRST SUBJECT MO!"


Alas singko imedya ng umaga, agad na akong bumangon at naghilamos. Tinatamad man ay nagmadali na akong kumain at naligo para makaabot sa first subject ko.



Orihinal na Kompoisyon ni: Pauline Nicole F. Sael

Paano nga ba umibig ang Tao?

Paano nga ba umibig ang Tao?

John Cendrix D. Castro

               PAG-IBIG, pitong letra na salita na may iba't ibang kahulugan base sa pananaw ng bawat tao. Ayon sa Merrriam-Webster Dictionary, ang pag-ibig daw ay isang matinding damdamin na nararamdaman ng isang tao sa ibang tao sa isang romantikong paraan. Sabi pa nga ng iba "Love is blind", bulag daw ang pag-ibig pero may mga nagsasabi din naman na "Love will show you the way". Ang pag-ibig daw ay ang susi para lumigaya ang isang tao pero mayroon ring nagsasabi na ito ang pinakamakakasakit sayo ng sobra.  Iyon ay ilan lamang sa mga kahulugan na alam ko pero kahit kakaunti lamang yan ay nakapagiwan ito ng ilang mga katanungan sa aking isipan, Paano kaya nila nasasabi na sila ay umiibig na? Mayroon bang mga pahiwatig na nagsasabi sa kanila na sila ay umiibig na? At paano kaya sila umibig?
               Ito ang masaya at pumukaw sa aking atensyon. Sabi nila, "Physics is not the most important thing in the world, it's LOVE". Nakakabilib pang isipin na pag pag-ibig na ang usapan, madaming nasasabi ang tao pero kapag iba ang usapan ay kakaunti lamang. Ganoon na lang siguro magbigay importansya ang maraming tao sa pag-ibig para masabi nila ang ganitong mga bagay. Kaya siguro nauuso ngayon ang salitang forever  at kung meron nga ba nito.”Naniniwala nako sa forever, magmula nung nakilala kita.” Patok na patok ang linyang ito ngayon na nagmula sa isang kanta ng isang sikat na tambalan sa industriya ng pag-arte ngayon.  Mga salitang sumisimbolo na sa isang uri ng pag-ibig ngayon. Salitang forever na napakalaki ng impluwensya sa mga taong nagmamahalan ngayon. Paano ba naman hindi ito makakaimpluwensya? Halos lahat na yata ay umaasa na makakahanap sila ng forever kung meron man. Kung mahanap man nila ito, ito yung mga taong ibibigay lahat sa mahal nila. Lahat isasakripisyo para sa minamahal nila. Mga taong ilalaan ang buhay nila sa mahal nila. Sa oras na mahanap na nila ang forever nila, hindi na nila kayang pakawalan yung taong iyon. ganito magmahal ang mga taong naniniwala sa forever. “ Say something Im giving up on you”, kantang nababagay sa mga taong martir sa pag-ibig. Mga taong binibigay ang lahat kahit na wala silang napapala. Mga taong hindi alam ang salitang sakit basta kasama nila ang mahal nila ay masaya na sila. Lahat ng bagay kaya nilang gawin para sa mahal nila. Baliw kung mitututring pero anung magagawa natin kung ganoon sila magmahal.  Sabi nila, totoo daw ang “ Love at first sight”, para sakin, totoo nga naman. Naranasan ko na ang nararanasan at sinasabi ng iba. Sa unang tingin pa lang ay ramdam ko na siya na ang mamahali ko sa habang buhay. Kaya ito ako, hindi nagsisisi sa naging desisyon ko at kasama ko siya ngayon at inaasahan ko na siya na talaga ang makakasama ko hanggang tumanda at mamatay.

            Iba’t iba man ang pagpapakahulugan natin sa salitang pag-ibig, iba’t iba man tayo ng paraan kung paano tayo magmahal, mayroon naman tayong pagkakatulad. Hindi man natin aminin sa sarili natin, lahat tayo ay umibig na at nasiyahan sa ating naramdaman. Siguro ang iba ay nasaktan lamang pero sana hindi ito maging hadlang upang tayo ay umibig muli dahil hindi natin mahahanap ang tunay na pagmamahal kung tayo susubok ng susubok.

MINSAN


Minsan
Danica C. Ortiz

Minsan nakatitig lang
Nakatanaw sa kawalan
Minsan nakatulala
Nag-aantay magbukas ang pinto
At makita ang liwanag

Mukhang heto na ang oras
Tila heto na ang pinakaaasam-asam

Nakatuntong sa entablado
Hawak ang mikropono
Umaawit ng awiting
Kwento ng buhay ko
Tumutugtog sa kwartong
Punong-puno ng tao
Ngunit sa 'king paghinto
Teka, panaginip lamang ito

Minsan habang namamasyal
Gamit ang papel at lapis
Tutugtog ng gitara't
Gagawa ng kanta

Mukhang heto na ang oras
Tila heto na ang pinakaaasam-asam

Nakatuntong sa entablado
Hawak ang mikropono
Umaawit ng awiting
Kwento ng buhay ko
Tumutugtog sa kwartong
Punong-puno ng tao
Ngunit sa 'king paghinto
Teka, panaginip lamang ito

Nakatuntong sa entablado
Hawak ang mikropono
Umaawit ng awiting
Kwento ng buhay ko
Tumutugtog sa kwartong
Punong-puno ng tao
Ngunit sa 'king paghinto
Teka, panaginip lamang ito


#adik

Koleksyon: Mga Kinaadikang Palabas sa Telebisyon

ni Lyndel E. Esperanza



Para sa akin, "Happiness is a collection of choices you made that gives you inspiration and meaningful life."
Hindi ako mahilig manuod ng mga love story, anime o kaya ay korean drama noon ngunit nagbago ang lahat nang malaman ko na may mga tao o karakter ang nagpapakilig, nagpapasaya, nagpapalungkot at nagpapa-inspire sa akin dahil sa makabuluhang istorya ng mga palabas na ito. Dahil sa nakahiligan ko ang manuod ng mga palabas na ito ay may partikular akong paborito sa bawat klase nito na nag-uudyok sa akin upang kumulekta ng mga larawan at impormasyon tungkol sa mga ito.















EnRich Loveteam, binubuo nina Enchong Dee at Erich Gonzales. Nagsimula akong humanga sa una nilang tambalan sa "Katorse"noong 2009. Ang "Katorse" ay tungkol sa 14-taong gulang na babae na nagmahal sa murang edad at nabuntis nang dahil sa pagmamahal na iyon. Si Erich ang gumanap na "Nene" at ang katambal niya dapat ay si Ejay Falcon ngunit mas sinubaybayan ang kalove-triangle na si Enchong Dee dahil sa palagay ko ay mas bagay talaga si Enchong at Erich. Pangalawang beses ko ng kinilig sa isang tambalan, ang una ay ang MarkJen na binubuo ni Mark Herras at Jennelyn Mercado ngunit dahil sa "Kapamilya" ako at hindi masyado sa "Kapuso" ay sila Erich at Enchong ang mas kinahumalingan ko.

Naging idolo ko si Erika Chryselle Gonzales Gancayco o mas kilalang Erich Gonzales dahil sa maganda ito at magaling umarte. Labing-apat na taong gulang si Erich nang manalo siya sa Star Circle Quest at napalabas din sa Maalala-ala Mo Kaya o MMK ang kanyang kwentong nakakaiyak at nakapagbibigay inspirasyon kaya mas lalo ko siyang hinangaan.
Si Ernesto Lorenzo V. Dee o mas kilalang Enchong Dee ay ang ultimate crush ko. Siya ang naging basehan ko ng 'looks' at katangian ng ideal man ko. Siya ay chinito, maputi at gwapo; magaling lumangoy, mahusay sumayaw, at marunong ding kumanta.
Kinikilig talaga ako sa kanilang tambalan. Makita ko lang na magkasama na naman sila sa isang proyekto ay aabangan ko talaga iyon. Ang tambalan nila ay umabot lamang ng ilang taon at ngayon ay may iba't iba na silang katambal. Gusto ko pa naman sanang sila na lang ang magkatuluyan sa bandang huli kung hindi man mapapasaakin ang Enchong ko. Ngayon ay may kaniya-kaniya na ri silang lovelife at mukhang masaya naman sila sa mga karelasyon nila kaya magiging masaya na lang rin ako para sa kanila pero kahit anong mangyari "I'm the number 0 fan of EnRich Loveteam!" Ang dami kasing number 1 fans nila kaya number 0 na lang ako para mas mataas sa kanila.


Ang "Cardcaptor Sakura" ay isang Japanese Anime na matagal na ring ipinalabas sa telebisyon noong bata pa ako ngunit ito ay ipinabalik-balik sa kahit anong istasyon. Ang istorya nito ay tungkol sa batang babae na nasa ika-5 baitang ang nagawaran ng kapangyarihan upang maibalik ang mga clow cards sa lagayan nito at ang mga clow cards na ito ang nagtataglay ng mga mahika na ginagamit ni Sakura sa paghuli pa ng ibang cards. Mapalalaki o mapababae man ay nahuhumaling sa palabas na ito dahil sa maganda nitong istorya at cute na mga karakter.

Tulad ng mga larawang meron ako sa EnRich Loveteam ay bigay lang sa akin ng mga kaklase ko noong high school ang mga larawan ni Sakura at Shaoran. Ginuhit pa nga ni Shiela, aking kaklase, si Shaoran para lang sa akin. Nagsimula din akong gumuhit upang mas maparami pa ang aking koleksyon ngunit isa lang ang nakaya ko at si Sakura iyon.
Kahit na ilang beses ko ng napanuod ang palabas na ito ay inulit-ulit ko pa rin kaya ako nanghiram ng cd kay Ney para mapaulit-ulit ko pa ang pagkokolekta ni Sakura sa mga cards at ang takbo ng kanyang buhay pamilya, kaibigan, paaralan at buhay pag-ibig.

Marami rin kasing taglay na positibong ugali si Sakura na mas lalo kong kinahangaan bilang isang bata dati. Ang pagiging masayahin, palakaibigan, maalahanin, pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay at mapagmahal sa pamilya.


Ang kasalukuyan kong kinokolekta ngayon ay ang mga larawan at impormasyon tungkol sa "Dream High". Ang "Dream High" ay isang Korean Drama na ipinalabas sa ABS-CBN noong ika-16 ng Abril, 2012 hanggang ika-15 ng Hunyo, 2012. Ito ay tungkol sa mga kabataan nais abutin ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng pagpasok sa isang prestihiyosong paaralan sa Korea. Ang Kirin Art High School ay isa sa sikat na paaralan kung saan nanggagaling ang mga magagaling kumanta at sumayaw na grupo sa industriya.

Ang pagkanta at pagsayaw ay ang mga talento ko, hindi man ganoon kagaling ay alam kong may maibubuga naman ako. Dahil siguro sa takbo ng istorya kaya ako napa-hook sa palabas na ito at dahil na rin sa magaganda at gwapong gumanap sa bawat karakter dito. Magagaling silang kumanta at sumayaw lahat kaya ako'y napapahanga talaga.

Anim na estudyante ang maituturing na mga bida sa palabas na ito. Lahat sila ay may kaniya-kaniyang pasanin sa buhay at hindi ganoon kaperpekto sa pagkanta o pagsayaw. Kasama rin dito ang mga pagsubok nila sa kanilang pamilya, kaibigan at syempre sa kanilang pangarap. Kahit na ganito ang sitwasyon nila ay nalampasan nila iyon sa tulong ng bawat isa at ng kanilang mga guro na gumabay sa kanila upang maabot ang minimithi nilang pangarap.

Kinolekta ko ang larawan ng bawat isa, maging ang mga lyrics ng kanta at ang buong istorya nito mula episode 1-16. Bumili rin ako ng cd nito na may tagalog dubbed na at nagkabisa ng iba nilang sayaw at kanta. Balang araw ay gusto ko ring makapunta sa Korea para makita ang mga hinahangaan kong cast ng "Dream High", siguro para magperform na din kung sakali. Sa ngayon ay nag-audition ako sa isang Korean Club sa Pamantasan namin at hindi ko pa alam kung tanggap ako ngunit kahit hindi man ay ipagpapatuloy ko pa rin ang pag-iidolo sa kanila.

Mula sa pagtalakay sa aking mga naipong larawan ay gusto kong ibahagi ang natutunan ko tungkol sa mga koleksyon. May mga pagkakataon kasi na napapagastos tayo ng malaki masuplayan lang ang kaadikan natin sa isang bagay kaya dapat pag-isipan muna natin kung kasya ba ang budget natin sa pagtataglay ng mga ganitong koleksyon. Kahit papaano ay isa rin ito sa nagpapasaya at nagbibigay inspirasyon sa atin upang matupad ang ating mga pangarap dahil ang mga koleksyon ang nagpapaalala sa atin ng mga iyon. Ang pangongolekta ng mga bagay na nagpapasaya sa iyo ay gamitin sa tamang paraan na magbibigay kahulugan sa buhay mo.







Saturday, July 18, 2015

Patapos na Salita

                Ikaapat na naman ng hapon, tumatakbo na naman ako mula sa ikatlong palapag, nagmamadali dahil baka mahuli na naman ako sa susunod na klase, hinihingal na akala mo ay malapit ng malagutan ng hininga. Dinatnan ko ang mga kaklase kong nag-aabang sa tapat ng pinto ng silid na aming paglalagian. Naghintay kami ng ilang minuto para matapos at makalabas ang unang pangkat sa silid. Nakapasok, nakaupo at nakipagchismisan ang bawat isa na akalay mo’y ilang dekada na hindi nagkita kahit na ang totoo ay ilang araw lamang na hindi nasilayan ang bawat isa.
                Habang umuugong ang mga bulong at halakhak ng bawat isa amin, nananatili ang ulan sa pagbagsak na tila galit, na tila mula sa galit na langit. Patuloy na humahampas ang hangin sa mga punong lulunday lunday at parang sumasayaw sa isang himig ng musikang kay ganda na sila lang ang may kakayahang makadinig. Walang awat na bumubuhos ang hindi ko mabilang na patak ng ulan sa  bawat luntiang dahon, sa bawat metrong parisukat ng daan, sa bawat lantad na mga buhok ng mga bawat taong naglalakad o tumatakbo sa ilalim na ulan na hindi mo malaman kung wala ba talagang payong o tinatamad lang talaga magpayong. Ayaw magpahinto ng sigla ng bagyo sa pag-awit at pagsayaw sa isang musika na parang nagsasabi na “heto ako, nagdudulot ng ginaw, umuwi ka na at humiga at damhin ang lambot ng iyong nakapang-aayang kama, lasapin ang init na dulot ng iyong mga nanlalamig na unan at kalabanin ng kumot ang bawat pagyakap ng malamig kong hangin.” O diyos ko, pwede ba akong matulog?
                Pero ang pag-ikot ng aking isipan sa kung ano ang nais talagang ipahiwatig ng panahon na ito ay pinutol ng isang malakas na hampas at lagutok ng isang matalim na kidlat na gumuhit sa nag-aala usok na mga ulap, isang kidlat na pawang nagbalik ng aking diwa sa sild-aralan kung saan ako ay nananahimik at pinagmamasdan ang bawat isa na nag-iisip sa kung ano ang pwede nilang isulat sa dilaw nilang papel para sa isang komposisyon na pinagapagawa ng guro nila.
                Sinubukan kong iwasan ngunit ako’y bigo at muli kong nilakbay ang bawat isipan ng bawat isa sa pamamagitan ng dire-diretsong pagtuloy at walang pagkatok kuno sa pinto ng kanilang mga mata na kung hindi nagniningning dahil sa galak ay nangangalumata nang dahil pagod sa pag-isip at paggawa sa mga requirements sa paaralan na hindi nila malaman kung kailan ba nila matatapos. Iniisip ko paano sila nakakapag-isip ng isusulat kung ang lahat ng ideya, talata, pangungusap, parirala o ultimo mga salita sa kanilang isipan ay parang magkakalaban sa isang paunahan na kung saan ginto ang matatanggap na premyo, mga salita na parang mga taong lumalabas sa gabi at naghahanap ng ligaya at pangsandaling pagtawa sa mga luagar na mayroong madilim na paligid at nagsasayaw na mga ilaw na kulay asul, berde o kahit pula, na itong mga taong ito ay hindi mo maintindihan. Hindi mo maintindihan. Hindi ko maintindihan. Hindi natin maintindihan.
                Oo. Hindi. Natin. Maintindihan. Ito yung mga salita na nakukulong sa bawat sabaw mong utak kapag punong puno ka na ng x2 o derivative of x with respect to t, sa bawat pag-atras ng iyong dila sa tuwing sinusubukan mong abutin ang kanyang kamay para hindi siya umalis, at sa bawat pagpikit ng iyong mga mata sa tuwing nakikita mo siya at sa tuwing nangangarap ka na sana makaamin ka na sa kanya. Ito yung mga salitang hindi mo masabi-sabi sa kanila dahil hiyang hiya ka na at hindi mo alam kung saan ka pa huhugot ng hugot mo este kung saan ka pa huhugot ng lakas ng loob para lang mabigkas mo ang mga katagang magpapalaya sa damdamin mo sa kung sino ka talaga, sa kung ano ang gusto mo o mga malalambing at malapit ng langgamin na mga salita na magpapalaya sa damdamin mo sa kanya na matagal mo ng itinatago sa kahon na pinangalanan mong lipunan.
                Yung mga salitang yan? Para yang bato na kapag ibinato sa mo sa taong ayaw mo, sa mga taong galit ka, sa taong mahal mo na kinakatampuahan mo, masasaktan sila. Para yang kamao na pwedeng makasuntok na magdudulot ng sakit o pwede ring makapaghaplos na magdudulot ng pagkalma sa mga emosyon mong daig pang nag-aaway sa isang digmaan, World War III kumbaga. Yung mga salitang yan? Yan. Nakakainis yang mga salita na yan dahil hindi mo alam kung san ka nila dadalhin o ano ang ibibigay nila sa’yo, saya, galit, inis, tawa, kilig. Yang mga salitang yan? Kaya ka nilang paglaruan parang sa kung ano ginawa sa’yo ng ex mo. Kaya dapat alam mo kung paano mo sila laruin, kung paano mo sila papaikut ikot ikot ikot ikot at ikutin sa mga daliri mong may madumi pang kuko. Yang mga salitang yan? Pwede yang ibato pabalik sa’yo kaya dapat ginagawa mo kung ano ang ginagawa mo pagdating sa pagmamahal, dapat maingat ka.
                Pero alam mo ngayon? Pagod na akong  maging maingat. Kasi, iyang mga salitang yan, painapaikot ikot lang tayo. Tignan mo ngayon, nakikinig ka sa mga sinasabi ko na tingin ko ay namamalayan mo ng wala naman talagang silbi o halaga. Parang alkansaya ang akdang ito, isang maingay na alkansya. Pero, teka, huwag mo ng ihinto ang pagbabasa at pakikinig, dahil tulad ng sabi ko, pagod na akong mag-ingat. Masaktan na ang lahat ng pwedeng masaktan. Maloko na lahat ng pwedeng maloko. Pero ako? Ilang kataga lang ang gusto kong malaman mo at tulad ng akdang ito,
                tapos na.
                Tapos na tayo.
                Tapos na tayo pero.
                Tapos na tayo pero tandaan mong mahal kita.
                Tapos na na tayo pero.
                Tapos na tayo.
                Tapos na.
                Parang ang akdang ito.


(Isinulat ni K. Gale Hernandez)

Siya.

ni: Cloud Zinner


     Mahirap magsulat. Mahirap. Hindi dahil nakakangawit sa kamay o dahil mahirap mag-isip ng isusulat. Mahirap magsulat dahil mas mabilis ang utak kaysa kamay. Mas mabilis dumaloy ang mga ideya palabas ng utak kaysa ang pagdaloy ng tinta palabas ng ballpen. Kung pwede lang sana na magsatinta direkta ng mga ideya papunta sa papel...
     Pero hindi ako nagsusulat ngayon tungkol sa pagsusulat. Ang isusulat ko ay tungkol sa pag-ibig. Oo, palasak na. Paulit-ulit. Sawang-sawa na ang lahat sa pagbabasa, pakikinig, at panonood ng mga bagay-bagay tungkol sa hinayupak na pag-ibig na’yan. Pero pakinggan n’yo ‘ko. Iba ‘to. Iba.
     Enero. Ang pinaka-makulay na buwan ng taon ko. Una ko s’yang nakita na nakiki-barge-in sa ibang agents sa office. Nakatayo s’ya kaya nakita ko s’ya agad. Nakatulong din ang matingkad n’yang dilaw na buhok na kitang-kita kahit na gan’to ako kalayo sa kanya. At saka isa pa ay tinuturo s’ya sa’kin ni Faye na kanina pa kinikilig at paulit-ulit na sinasabing bagay daw kami sabay kurot sa braso ko. May panggigigil pa. Haynaku Faye. Pero hindi ako nadismaya. Hindi s’ya panget. Sa totoo lang, gwapo pa nga. Gusto ko na s’yang makilala agad. (Lende).
     Mayo. Ang pinakamadilim na buwan ng taon ko, so far. Sana hindi ko nalang s’ya kinausap. Sana hindi ko nalang s’ya nakilala. Sana hindi nalang ako umasa. Pusanggala talaga. ‘Yan ang iniisip ko habang patakbo akong lumalabas ng bahay nila dala ang mga gamit ko. Ayoko ‘na. Hindi ko kayang tanggapin ang mga sinabi n’ya. Ayoko na.
     Mayo, kinabukasan. Hindi ako nakatulog. Hindi ako makatulog. Iniisip ko pa rin ang mga nangyari kagabi. Magkikita kami ngayon, sigurado ‘ko. Ibinili ko s’ya ng ticket sa concert na pupuntahan ko ngayon kasama ang barkada ko, at alam ko namang sapat ang hiya n’ya para hindi gamitin yun. Pero may alinlangan pa’rin ako.
     Buong araw ay s’ya lang ang hinahanap ko. Sa libo-libong tao na nandoroon ay s’ya lang ang hinahagilap ng mga mata ko. At ayun nga s’ya. Nakaupo sa gitna ng napakadaming taong nagsisiksikan sa mga bleachers. Nilapitan ko s’ya. Kinausap. Kadarating lang daw n’ya dito. Parang walang nangyari kagabi. Kumain na raw s’ya bago s’ya umalis ng bahay. Parang hindi mo’ko nasaktan. Sasabay na raw s’ya sa pag-uwi namin mamaya. Parang hindi mo ‘ko sinabihan ng mga masasakit na salita, leche.
     Pebrero. Bagong kilala. Exciting pa. Kahit na wala pang isang buwan nung una kaming nag-usap eh tila buong buhay na naming kilala ang isa’t-isa. Simula nung pinagkausap kami ni Faye nung araw na’yun eh alam na namin ang mga mangyayari. Alam na. Eto na’to. Nagsimula kaming mag-usap sa text, kinuha n’ya number ko kay Faye, at nagsimula rin kaming lumabas-labas. At simula nun ay hindi na kami napaghiwalay.
     Araw ng mga puso ngayon. Sobrang sweet namin, shet. Dapat manonood kami ng fireworks sa may MOA pero may mas maganda kaming balak. ;)
     Abril. Dito nagsimulang mawasak lahat. Isang araw, habang nakahiga kami sa kama ng mama n’ya (oo, iisa lang sila ng kwarto ng mama n’ya, cute), habang sinasabi ko sa kanya kung ga’no ko s’ya kamahal at kung ga’no ako magiging miserable ‘pag nawala s’ya at kung ga’no ko ibibigay ang lahat para sa kanya eh may sinabi s’yang nagpaguho ng mundo ko. Gusto lang daw n’ya maging honest sa’kin. Hindi raw n’ya ko mahal tulad ng pagmamahal ko sa kanya. Yun. Yun na ‘yun.
     Hindi responsibilidad ng taong mahal mo na mahalin ka rin n'ya. Minsan talaga isang direksyon lang ang pagmamahal. Sabi nga ni pareng J. M. Nespoli, “Unfortunately, loving someone doesn't obligate them to love you back.” Sapul!
     Nag-sorry si gago. Sabi n’ya ayos lang daw kung tigilan na namin yun dun kung gusto ‘ko. Sabi n’ya humanap nalang daw ako ng iba para daw hindi ako masaktan. Pero ayaw daw n’ya ‘ko mawala kasi masaya daw s’ya pag kasama n’ya ko. Sobrang close na daw kasi namin. Hindi daw n’ya alam gagawin. Ako rin, ‘di ko rin alam. Leche ka.
     Fun fact: Hindi ako iyaking tao. Pero sa siyamnapung araw na nakilala ko s’ya, limang beses na’ko umiyak. Lima. Kasing dami na ‘yun ng naging luha ko sa nakaraang walong taon kasama na ang pagluha dahil sa sibuyas at sipon pero nagawa n’ya yung palabasin sa’kin sa loob lang nga siyamnapung araw. Talent ‘yun.
     Pero nagsama pa’rin kami. Napagdesisyunan naming hindi muna kami maghihiwalay ngayon. Pero maghihiwalay kami balang araw. Haha, langya.
     Marso. Going strong. Lagi kaming magkasama. Halos sa kanila na’ko nakatira. Sa sofa kami natutulog, magkatabi. Kahit sobrang liit nun eh pinagkakasya namin mga sarili namin. Kahit na dalawa sofa nila eh pilit parin kaming nagsisiksikan dun sa sofa sa kanan. Masaya eh! Tapos lagi kaming kumakain sa labas, minsan nagsisine. Madalas kami manood ng mga pelikula sa bahay nila dahil napakadami nilang DVD. As in, madami. Masaya. Masaya pa.
     Mayo, pagkatapos ng concert. Nag-usap kami. Hindi muna s’ya umuwi. Wala pa’kong tulog mula nung araw bago ang concert. Alas dos ng umaga, nakaupo kami sa bench sa may city hall. Nag-umpisa ang usapan ng kaswal. Pero hindi na kami nagpaligoy-ligoy pa. Pinag-usapan na namin ang dapat gawin sa mga buhay na’min.
     Eto ang sitwasyon: 1) mahal ko s’ya higit pa sa lahat ng bagay sa mundo. Hindi ko alam kung pa’no nangyari ‘yun pero gano’n ko s’ya kamahal. Hindi iyon pagmamalabis. 2) hindi n’ya ko mahal tulad ng pagmamahal ko sa kanya. Sabi n’ya mahal n’ya daw ako pero hindi daw n’ya kaya ibigay sa’kin ang “siya”. Hanggang ngayon malabo pa rin sa’kin yun pero na-gets ko naman yung point. Hindi daw n’ya nahanap sa’kin yung hinahanap n’ya. Baka nasa Lost and Found pa. Haaay. 3) ayaw daw n’ya ko mawala. Ayaw ko rin s’ya mawala. Masaya daw s’ya pag kasama n’ya ko. Sobrang saya ko pag kasama ko s’ya. Ano ang dapat naming gawin?
     Dahil gago ako at baliw sa kanya, kahit magmuka akong tanga eh gumawa kami ng isang kasunduan. Ganito: 1) magsasama pa’rin kami tulad ng dati, pero wala na daw pressure. And by pressure, ibig sabihin n’ya eh dapat hindi ko s’ya pilitin na makasama ko s’ya habang panahon. 2) unti-unti akong lalayo sa kanya hanggang matutunan ko nang mabuhay na wala s’ya o hanggang sa tumigil na’ko sa pagmamahal sa kanya. Parang “fall out of love”. Hindi ko pa’rin alam kung pa’no gawin yun at lahat ng si-nearch ko sa google eh hindi gumagana. 3) pag may nagustuhan kaming iba eh ayos lang. Push lang daw. Makakatulong yun sa’kin na maka-move on at makakatulong ‘yon sa kanya na mahanap yung kung ano mang hinahanap n’ya na’yon.
     Bale ang labas eh anytime, pwede kaming “maghiwalay”. Kung sakaling isang araw ay may makilala s’yang mas gusto n’ya kaysa sa’kin, sasabihin n’ya lang at poof! Bye bye na. Ganun din sa’kin pero mukang hindi ko kaya yun. Mauuna s’ya. Sinusubukan ko, pero wala talaga. Iba tama ko dito. Iba, pre. Iba.
     “When love is not madness it is not love”, ‘ika nga ni Pedro Calderón de la Barca. Haaaaay...
     Hulyo, kasalukuyang panahon. Eto tumutupad naman kami sa kasunduan. Kahit na medyo nahihirapan ako dun sa parteng lalayo unti-unti. Kami pa’rin pero alam na namin ending neto. Araw-araw ay para ‘kong kinakain sa loob ng lungkot kasi alam kong sa bawat paglubog ng araw ay palapit nang palapit ang oras ng makikilala na n’ya ang papalit sa’kin sa buhay n’ya. Isa lang akong “transient” na boyfriend. Siguradong iiwanan. Siguradong papalitan. Pero tanggap ko. At least, yun ang sabi ko sa sarili ko. Kaylangan kong tanggapin. Kaylangan.
     Mahirap magsulat. Mahirap. Lalo na pag tungkol sa kanya. Hindi dahil mas mabilis ang utak kaysa kamay, kundi dahil hindi ko makita ang papel. Laging napupuno ng tubig ang mga mata ko, shet. Hindi ko mapigilan, kusa nalang umaagos. Kaya kung may nakita ka mang medyo sabog-sabog ng tinta sa papel na’to eh pasensya na. Nabasa lang ng luha ko yan, hindi ko na napansin. Pumatak na pala.


CZ